Laguna jail guard arestado sa shabu

June 26, 2021 Gil Aman 407 views

Mahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 Art. II ng Republic Act 9165 ang isang miyembro ng Laguna Provincial Jail (LPJ) guard makaraang maaresto sa drug buy-bust operation ng mga kagawad ng PDEA-4A at Provincial Intelligence Unit (PIU) Huwebes ng umaga sa Bgy. Bagumbayan, Sta Cruz, Laguna.

Batay sa ulat ni PIU Chief PLt. Col. Arvin Avelino kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang suspek na si Gary Pascua, jail guard, residente ng Bgy. Santisima, Sta. Cruz, Laguna.

Sa imbestigasyon, sinasabing nagkasa umano ng Anti-Illegal Drugs Operation ang mga tauhan ni Avelino sa lugar habang isa sa mga ito ang nagpanggap na poseur buyer gamit ang halagang P2,000 pambili ng shabu.

Aktong lulan sa kanyang minamanehong motorsiklo ang suspek patungo sa LPJ ng isagawa ng mga operatiba ang naturang operasyon kasunod ang isinagawang pag-aresto.

Narekober ng pulisya sa suspek ang limang pirasong maliliit na heat-sealed transparent plastic sachet ng hindi pa mabatid na gramo ng shabu at buy-bust money, at ito’y kasalukuyang nakapiit sa Sta. Cruz PNP Custodial Cell.

Samantala, nagbigay naman ng kanyang pahayag si LPJ Warden Ret. General Norman Pinon sa insidente. Sinabi niyang hindi niya inaasahan na maaresto dahil umano sa pagtutulak ng droga ang kanyang tauhan na si Pascua, at magsasagawa rin aniya ang mga ito ng masusing imbestigasyon.

Nananatili aniyang kontrolado nito ang lahat ng kanyang mga tauhan sa araw-araw kabilang ang isinasagawang monitoring at pagbabantay ng mga ito sa loob at labas ng piitan, dahil mahigpit pa rin nitong ipinagbabawal ang mga dalaw para makaiwas sa coronavirus.

AUTHOR PROFILE