Default Thumbnail

Lagot si ‘Mang kanor’

February 2, 2023 Marlon Purification 1102 views

Marlon PurificationSINAMAHAN ko nitong Huwebes ng tanghali ang pamunuan ng National Press Club kay Movie and Television, Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Diorella Maria ‘Lala’ Sotto-Antonio.

Ang tatay ni Chairman Lala ay kaibigan ng inyong lingkod – si dating Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Kaya anumang proyekto para sa kanyang anak ay palagi tayong nakasuporta sabIhin man ito ni SP Sotto, o hindi!

Nanguna sa ‘courtesy call’ si NPC President Lydia Bueno, ang kanilang sekretaryo, dating NPC President at magiging undersecretary ng Presidential Task Force on Media Security (PTFMS); at siyempre ang mga miyembro ng NPC board na sina Mina Navarro, Benedict Abaygar, Joe Torres, Jeany Lacorte, Madeline Dominguez, Nats Taboy at ang legendary na si Aya Yupangco.

Tulad ng kanyang ama, magiliw kausap si Chairperson Lala. Lalo siyang natuwa nang sabihin nating mula’t mula ay nakasuporta na si SP Sotto sa NPC ang pinakamatandang media organizations sa buong Pilipinas.

Ang mga staff na sina Yayee Tobia at si Bobby Deciembre ay mababait at very accommodating din.

Kahit si MTRCB Board Member, Atty. Paulino ‘Sonny’ Cases, Jr. na siya ring chairperson ng Adjudication Committee ay humingi pa ng ‘advice’ sa mga NPC officials kung ano ang posisyon sa mga kontrobersiyal na pelikulang ipalalabas sa mga darating na araw, partikular na ang ‘Mang Kanor.’

Nalaman natin na pinadalhan pala ng summon ng MTRCB ang producers ng ‘Mang Kanor dahil sa ilang paglabag na ginawa ng mga ito.

“The Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), in the exercise of its mandate under Section 7, Presidential Decree No. 1986 (PD No. 1986) issued Notices to Appear to the following entities concerning the exhibition of the motion picture “Mang Kanor,” and its related publicity materials,” ani Chairperson Sotto sa kanilang pahayag.

Partikular na pinagpapaliwanag ang A&Q Entertainment and Prime Stream Inc. na producer ng pelikula dahil sa ipinalabas ang ‘Mang Kanor’ sa Gateway Cineplex, Gateway Mall, Quezon City nang wala man lang kaukulang permit to exhibit mula sa MTRCB.

Isang paglabag aniya ito sa Section 1, Chapter V of PD No. 1986 at sa

Implementing Rules and Regulations (IRR) in relation to Section 3 of PD No. 1986.

Naglabas din aniya ng posters at ‘publicity materials’ ang producer ng ‘Mang Kanor’ kahit wala uling permit na paglabag naman sa Section 5, Chapter V ng naturang batas.

Pinagpapaliwanag din ang Uniprom Inc. ng Gateway Cinemas dahil sa pagpapalabas ng naturang pelikula nang walang permit na paglabag naman sa Section 1, Chapter V of PD No. 1986 and its IRR in relation to Section 3 of PD No. 1986;

Gayundin ang pagpapalabas ng hindi inaprubahang publicity materials.

Kahit ang CignalTVInc (OnePH) ay pinagpapaliwanag din ng MTRCB dahil sa pagpapalabas ng excerpts video ng “Mang Kanor” kung saan ay kita rito ang torrid kissing, ‘apparent nudity,’ ‘threesomes,’ at sexual intercourse. Paglabag aniya ito sa Section 2, Chapter IV of PD No. 1986 and its IRR in relation to Section 3 (c) of PD No. 1986.’

“The Board reiterates that as businesses engaged in the provision of motion picture content to Filipino viewers, they carry a civic and moral obligation to comply with the law. To this end, MTRCB shall uphold its mandate to provide a safe-viewing experience for all Filipinos,” sabi pa sa kanilang pahayag.

Sa ganang akin, magandang hakbang ang ginawang ito ng grupo ni Chairperson Sotto. Patunay na sa kabila ng mga ‘hayagang’ paglabag na ginawa ng mga nasa likod ng pelikulang Mang Kanor ay binibigyan pa rin sila ng pagkakataong makapagpaliwanag bago pa man magbigay ng opisyal na hatol laban sa kanila.

Naniniwala tayong ang pelikulang Mang Kanor ang magiging pagsubok din kung pano hahatulan ang pamunuan ng MTRCB ngayon kung mananatili ba silang konserbatibo o liberal.

Marami pang problemang kakaharapin ang MTRCB sa mga darating na araw at marami pa ring ‘bantay’ ang kanilang gagawin.

Pero sa maayos na paggabay at pagpapalaki ni SP Sotto kay Chairperson Lala (at sa iba pa niyang anak) nasisiguro kong nasa tamang timon ang MTRCB ngayon!

Umaasa rin tayong makakasundo ni Chairperson Lala ang lahat ng miyembro ng MTRCB at mayroon silang iisang layunin ang pataasin ang kalidad ng pelikulang ipinalalabas sa ating bansa.