Lagot ang biyenang konsintidor sa VAWC
ANG isang babaeng biktima ng RA 9262 na humihiling ng Temporary Protection Order sa hukuman ay maaaring magdemanda laban sa kanyang mister at mga konsintidor na biyenan.
Noong Abril 18, 1999, ikinasal sina Sharica Mari at Steven at binayayaan sila ng dalawang anak. Pagkaraan ng anim na taon, si Sharica Mari ay nagsumite ng Petisyon sa hukuman na may kalakip na hiling para sa pagpapalabas ng isang Temporary Protective Order (TPO) laban kina Steven at sa kanyang mga biyenan na nagsasabwatan umano sa pang-aabuso sa pamamagitan ng masasakit na salita, kilos na nakakaapekto sa kanya ng sikolohikal at panggigipit sa kanyang ikabubuhay na labag sa Seksyon 5 (e) (2) (3) (4), (h) (5), at (i ) 7 ng Republic Act (RA) No. 9262 o “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.”
Naghain ng Motion to Dismiss ang mag-asawa batay sa katwiran na ang RA 9262 o VAWC ay maaari lang labagin ng isang mister o dating karelasyon ng babaeng inaabuso. Pinanigan ito ng mababang hukuman at pinag-utos na alisin sa demanda ang mga biyenan ni Sharica Mari. Dahil ang usapin ay purong tanong sa aplikasyon ng batas, inakyat agad ang kaso sa Korte Suprema.
Ayon sa Seksyon 3 ng R.A. 9262 ang karahasan laban sa mga kababaihan at kanilang mga anak ay tumutukoy sa “anumang kilos o isang serye ng mga kilos na ginawa ng sinumang tao laban sa isang babae na kanyang asawa, dating asawa, o laban sa isang babae na kinasama at nagkaroon ng isang sekswal o may ligawan na relasyon, o kung kanino siya ay may anak, o laban sa kanyang anak maging lehitimo o iligal, sa loob man o sa labas ng tirahan ng pamilya, na nagreresulta o malamang na magresulta sa pisikal, sekswal, pinsalang sikolohikal at pagdurusa , o pang-gigipit sa kanyang ikabubuhay kabilang ang mga banta ng mga naturang kilos, pagdarabog , pambubugbog ,pamimilit, panliligalig o di-makatwirang pag-agaw ng kalayaan. ”
Bagamat ang tinutukoy na lumalabag sa Seksyon 3 ng RA 9262 ay ang mister o dating karelasyon ng babae, hindi nito pinipigilan ang paggamit ng prinsipyo ng pagsasabwatan o pagkukuntsabahan sa ilalim ng Revised Penal Code o RPC bilang dagdag na sandata upang mapatibay ang pagpapatupad ng batas na pinagtatanggol ang mga kababaihan at kanilang mga anak.
Sa katunayan, lantarang inuutos ng Seksyon 47 ng R.A. 9262 ang paggamit ng mga prinsipyong umiiral sa RPC at iba pang batas upang mapunan ang ano mang wala sa RA 9262 para hindi mawalan ng saysay ang layunin ng batas laban sa karahasan sa kababaihan at mga bata.
Kahit ang Artikulo 10 ng RPC mismo ay lantaran din pinapagamit ang mga prinsipyo sa Kodigo Penal para mapunan ang ano mang wala sa mga espesyal na batas tulad ng RA 9262 o VAWC.
Kung gayon, maaaring gamitin ang prinsipyo ng sabwatan sa ilalim ng Artikulo 8 ng RPC na tinuturingang kilos ng isa na kilos ng lahat ng mga nagsabwatan. Sapul dito ang mga biyenan na hinahayaan ang anak na abusuhin ang manugang at mga apo. Walang saysay nga naman kung si Steven lang ang isasali sa TPO samantalang ang may kakayahan magbigay ng suporta pinansyal sa mag-iina ay ang mga magulang ni Steven.
Binaligtad ng Korte Suprema ang pasya ng mababang hukuman at inatasan ang huli na ituloy ang paglilitis upang makapagpakita ng ebidensya si Sharica Mari ng sabwatan ng kanyang mister at mga biyenan na hindi sapat ang binibigay na suporta para sa kanilang mag-iina sa ilalim ng Art 194 ng Family Code , at ang patuloy na banta na palayasin silang mag-iina sa kanilang tahananat ang paulit ulit na pang-aabuso sa kanya sa iba’t ibang paraan. [GO-TAN V SPOUSES TAN, GR NO 168852, September 30,2008]