Laglagan sa Halalan 2022?

September 13, 2021 Marlon Purification 557 views

Marlon PurificationTULAD ng sinabi ko, puwede na tayong mag-countdown kung sinu-sino ba talaga ang tatakbo sa pagka-pangulo at bise-presidente ng Pilipinas.

Sa Oktubre 1-8 na ang filing ng certificate of candidacy kaya mahigit tatlong linggo na lang ay magkakaalaman na kung sino ba talaga ang puwedeng pagpilian at iboto ng may 62 million registered voters na Pinoy.

Isinusulat ko ito’y sina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III pa lamang ang pormal na nagdeklara bilang opisyal na kandidato ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at Reporma Party.

Samantalang si President Rodrigo Duterte ay inendorso ng PDP Laban (Cusi wing) bilang opisyal na kandidato sa pagka-Bise Presidente ng rulling party. Wala pang direktang pahayag mula kay Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go kung ito ba ang magiging running-mate ni Digong.

Si presidential daughter, Davao City Mayor Sara Duterte ay nagsabi nang hindi na siya tatakbo sa national elections dahil ito ang usapan nilang mag-ama na isa lamang sa mga Duterte ang dapat tumakbo sa pampanguluhan. Magkagayunman, marami ang naniniwala na posibleng magbago pa ang isip ng ate ni Davao City Vice-Mayor Baste Duterte.

Sa darating na Linggo, Setyembre 19 ay magdedeklara na si Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao kung tatakbo ba ito sa pagkapangulo o hindi. Consistent ito sa sinasabi sa media na tatlo lamang ang pinagpipilian niya ngayon – posibleng tumakbo sa pagka-pangulo, mag-re-electionist bilang senador o magretiro na sa pulitika.

Sa kabilang dako, marami na rin ang nasasabik sa sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na sa darating na Oktubre ay magkikita-kita sila ng mga taga-Malakanyang. Bagaman walang linaw kung para ito sa pampanguluhan, lumalaki naman ang bilang ng nananawagan para tumakbo na ito sa pampanguluhan.

Si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ay desidido ring maging presidential candidate bagaman wala pa ring kasiguruhan kung makakatambal ba nito ang isa sa mga Duterte bilang running-mate.

Nasabi ko rin kamakailan ang pag-apply ni Senador Sherwin Gatchalian bilang running-mate ni Inday Sara. Kinumpirma ito mismo ng misis ni Atty. Mans Carpio na nagsabing bukod sa senador ay nagprisinta rin bilang running mate ni Inday Sara si Go.

Si Sara ang tagapangulo ng Hugpong ng Pagbabago na isang regional political party, samantalang si Go ay miyembro ng PDP Laban – Cusi wing at si Gatchalian naman ay miyembro ng NPC na pinamumunuan ni Sotto.

Si Senadora Grace Poe na isang ‘adopted member’ ng NPC ay patuloy na nakikipag-ugnayan naman kay Isko para posibleng maging running-mate ni Yorme. Isa sa pahiwatig na may ‘galaw’ ngayong national election si Senadora Grace sa lumalabas na TV ads, gayung hindi siya reelectionist senator.

Sinabi ng ating source, humahandlang sa pagtakbo ni GP sa vice-presidential race ang relasyon ni Tito Sen sa ama ng senadora na si yumaong Fernando Poe, Jr., at nanay na si Ms. Susan Roces. Matalik na magkaibigan ang pamilya nito at isa si Sotto sa tumulong kay FPJ nang tumakbo ito sa pagkapangulo noong 2004, kahit nitong 2016 presidential race ay tumulong din ang Senate President sa kandidatura ni Poe na tinalo ni Duterte.

Magkagayunman, hangga’t hindi pa nagsasara ang pagpapa-file ng COC sa Comelec, doon pa lang malalaman kung may Moreno-Poe bang tatakbo sa susunod na taon.

Samantala, sakaling hindi matuloy ang inaabangang Moreno-Pacquiao o vice-versa, may ilang grupo naman ang umuudyok na si PNP chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar ang posibleng maka-tandem ni Pacman.

Sa Nobyembre pa magreretiro ni Guillor, pero kung pagbabatayan ang konsepto ng ‘substitution,’ posibleng may malaking ‘changes’ pang mangyayari – hindi lamang sa mag-amang Duterte, kundi pati sa ibang kandidato, tulad ni Eleazar na hinihikayat ding pumasok sa pulitika.

Posible namang tumakbo na lamang sa pagkasenador si Eleazar sakaling hindi matuloy ang tambalang Pacman-Eleazar.

Inaabangan na rin ng marami ang galaw ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na miyembro ng Nationalista Party na pinamumunuan ni Senadora Cynthia Villar at ka-miyembro nito si Bongbong Marcos at dating Senador Antonio Trillanes.

Sina Cayetano, Marcos at Trillanes, bagaman magkasama sa iisang partido ay naglaban-laban noong 2016 sa vice-presidential race sa ilalim ng tinatawag na ‘Sona libre’.

May nagsasabing lulundag na si Cayetano sa bakod ni Mayor Isko, gayundin ang misis ni Senate Pro-Tempore Ralph Recto (NP) na si Star for All Seasons Batangas Rep. Vilma Santos-Recto.

Maraming releectionists senator naman ang posibleng maging guest candidate ng iba’t ibang partido tulad nina Senate Majority Leader Migz Zubiri, Joel Villanueva, Gatchalian, Pacquiao at comebacking Senator JV Ejercito. Dalawang partido rin ang nag-aaalok kina dating Senador Gregorio ‘Gringo’ Honasan at Ormoc City Rep. Lucy Torres-Gomez – ang PDP Laban at NPC ni Sotto.

Samantalang ang nagbabalik na sina Senators Loren Legarda at Chiz Escudero ay mananatiling loyal sa NPC. Wala namang balita kung may nag-aalok na ibang partido kay dating Senate Pro-Tempore Jingoy Estrada ng Partido ng Masang Pilipino (PMP) na tulad ng kapatid na si JV ay nais bumalik din sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.