Default Thumbnail

Lacuna, Servo tandem itutuloy mga sinimulan ni Isko sa Maynila

September 25, 2021 People's Tonight 295 views
Lacuna
LACUNA, SERVO TANDEM SA MAYNILA – Manila Vice Mayor Honey Lacuna kasama ang kanyang tandem na si Deputy Majority Leader Manila 3rd District Rep. Yul Servo Nieto at Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso sa isang sinimulang proyekto ng Binondominium sa Lungsod ng Maynila. Kuha ni JON-JON REYES

Tatakbo bilang mayor ng Maynila si kasalukuyang Vice Mayor Honey Lacuna at ang magiging tandem nito ay si Deputy Majority Leader Manila 3rd District Rep. Yul Servo Nieto bilang vice mayor ng Maynila.

Upang mapanatili ang kaayusan at kagandahan ng lungsod kabilang din ang kalusugan at kaginhawaan ng bawat mamamayan, ipagpapatuloy ng Lacuna at Servo tandem ang mga proyektong sinimulan ni Moreno, matapos na magdeklarang tatakbo naman sa pagkapangulo ng Pilipinas sa Mayo 2022 national elections.

Kabilang sa mga proyektong ipagpapatuloy ng Lacuna at Servo tandem sa Maynila ang mga pabahay sa Tondominium, Binondominium, San Sebastian Condominium at sa Pedro Gil, maging ang Ospital ng Maynila at ang Manila Zoo renovation.

Sinabi ni Lacuna hindi sila tumitigil na tupdin ang layuning magkaroon ng mas maaliwalas at mas lalong pagandahin at paunlarin ang lungsod. Isusulong nina Lacuna at Servo ang “Asenso Manilenyo” sa Lungsod ng Maynila.

Ayon naman kay Servo, patuloy siyang mamamahagi at magpapaabot ng tulong kahit na hindi ka distrito at siya’y handang tumulong sa mga nangangailangan sa lungsod. Namahagi siya ng bigas at delata sa mga pamilyang nasunugan sa Bgy. 500 na ginanap sa District 4 Sampaloc, Manila noong Setyembre 24.

Nanawagan din si Servo na magtulungan at magkaisa ang lahat upang makabangon sa mga sakuna at ngayong panahon ng pandemya, laging ipinapaalala ang pagsuot ng face mask, paghugas ng kamay at pagsunod sa mga health protocols tulad ng social distancing upang maiwasan ang COVID-19.

Sinabi naman ni Moreno sa kanyang pormal na pagdeklara ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa 2022 noong Miyerkules: “Alam kong kayang-kaya nilang ipagpatuloy ang ating mga nasimulan sa Lungsod ng Maynila.”

AUTHOR PROFILE