Lacuna1 NAGSAGAWA ng isang motorcade bilang pasasalamat sina Mayor-elect Mayor Honey Lacuna at incoming Vice Mayor Yul Servo sa Lungsod ng Maynila upang personal na pasalamatan ang mga Manileño. Photo by Jon-jon Reyes

Lacuna, Servo nagmotorcade para pasalamatan ang taga-Maynila

May 13, 2022 Jonjon Reyes 263 views

ISANG “Manila-wide” motorcade ang isinagawa nina Manila Mayor-elect Honey Lacuna at running mate nito at Vice Mayor-elect Yul Servo bilang pasasalamat sa mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila.

Ayon kay Mayora Lacuna, lubos siyang nagpapasalamat sa mga taga-lungsod at hindi lang sa pagkakapanalo at para sa tiwalang ibinigay bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila.

Malugod din niyang binabati ang lahat ng sumuporta sa kanila sa bawat distrito ng lungsod sa kanilang tambalan ni Servo pati na rin sa mga bumubuo ng Asenso Manileño.

“Ang pagkakaisang ito ay naging malinaw sa mga Manileño. Ito’y klaro sa inyo, hindi niyo po kami iniwan. Sinamahan ninyo po kami hanggang sa dulo at hindi kailanman matutumbasan ito,” ani Lacuna.

“Nagtapos na ang halalan ngunit simula palang po ng bagong yugto. Bagong yugto na ipagpapatuloy ang serbisyo’t benepsiyo na sinimulan ng mahal natin Yorme na si Isko Moreno Domagoso,” dagdag pa ng bagong halal na mayor.

Nangako din si Mayor-elect Lacuna na “hindi nila sasayangin ang tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng mga Manileño. Asahan ninyo na sa pagkakaisang ito, sama-sama natin gawing masigasig ang ating lungsod. Sama-sama nating dalhin ang ating bandila at handang itanghal sa buong bansa. Para sa Maynila, Para sa Manileño.” Ni Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE