Lacuna

Lacuna magpapatayo ng ‘super’ health centers

June 16, 2022 Edd Reyes 282 views

BILANG isang doktor, ang pagpapaunlad sa serbisyong pangkalusugan ang tututukan ni Manila Mayor-elect Honey Lacuna-Pangan sa oras na magsimula na siyang manungkulan sa lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Lacuna na lagi niyang binabanggit ang pagnanais na makapagpatayo ng mga “super” health centers sa anim na distrito ng Maynila na kumpleto ang mga kinakailangang medical apparatus tulad ng portable X-ray machine at laboratory equipment na makikita lamang sa mga pampubliko at pribadong pagamutan.

Sa ganito aniyang paraan, sinabi ng mauupong alkalde na ang mga taong kinakailangang magpasuri ng kanilang karamdaman ay hindi na kailangan pang pumila at maghintay sa mga pampublikong pagamutan dahil bukod sa malapit sa kanilang lugar ang super health center, matutugunan pa ang kanilang naising magpasuri.

Bukod aniya dito, mababawasan ang mga pasyenteng dumaragsa sa kanilang mga pagamutan sa anim na distrito at magiging layunin din nito na tanging mga nasa kritikal na kondisyon lamang ang matutugunan ng mga doktor sa pampublikong pagamutan.

Ang isa pa pang nais ni Lacuna na maisakatuparan ay ang pagtatayo ng Center of Senior Citizens dahil ang kanilang Office of Senior Citizens Affairs na nasa loob ng gusali ng Manila City Hall ay lubhang napakaliit para maasikaso ang mga matatanda.

“Para po mas matugunan namin yung mga services namin para sa mga senior citizen. Dapat magkaroon na sila ng center for senior citizen para lahat ng mga activities at mga proyektong para sa mga senior citizen namin ay lalo po naming mapaigting,” sabi pa ni Lacuna.

Maging ang pagtatayo ng Hall of Justice para sa Lungsod ng Maynila ay nais din ni Lacuna na matuloy na dahil matagal na itong naantala pati na rin ang pagtatayo ng half-way home sa mga palaboy sa lansangan na isa rin sa kanyang “pet project”.

“Siguro napapansin ninyo medyo may karamihan ang street dwellers sa ating Pamahalaang Lungsod lalo na po diyan sa may Luneta para mayroon silang mapupuntahan na kailangang masisilungan lalo na po sa gabi kasi karamihan sa mga street dwellers sa gabi diyan sila natutulog sa lansangan,” ani pa ng mauupong alkalde.

AUTHOR PROFILE