Lacuna Si Manila Mayor-elect Honey Lacuna, kasama ang amang si dating Bise Alkalde Danny Lacuna (nakaupo) at running mate na si Vice Mayor-elect Yul Servo (ikaapat mula kaliwa) matapos maiproklamang susunod na alkalde at bise alkalde ng Lungsod ng Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes.

Lacuna ipiniroklama na; 1st babaeng alkalde ng Maynila

May 12, 2022 Jonjon Reyes 554 views

IPINIROKLAMA na bilang bagong alkalde ng lungsod ng Maynila si Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, na siyang naging kauna-unahang babae na nahalal sa pinakamataas na lokal na posisyon sa lungsod, gabi ng Miyerkules.

Si Lacuna ay ipiniroklama ng Commission on Electiosn (Comelec) bilang nanalong Punong-Lungsod ng Maynila alas-7:25 ng gabi, Mayo 11, 2022, sa Manila City Council Session Hall.

Nakakuha si Lacuna ng 526,054 na higit sa tatlong beses ang bilang ng mga boto na natanggap laban sa katunggali nito na si Atty. Alex Lopez na nakakuha lamang ng 163,292 na boto.

Si Lacuna, na isang doktora at kasalukuyang bise alkalde ng lungsod, ay kumandidato kasama ang katambal nito na si Manila 3rd District Representative Yul Servo Nieto, na ipiniroklama na rin bilang bagong Bise Alkalde ng Maynila makaraang makakuha ng may 573,562 boto.

Si Lacuna ay nagsilbi ng dalawang termino bilang bise alkalde sa ilalim ng dating pangulo at noo’y mayor na si Joseph E. Estrada noong 2016, at sa ilalim ng kasalukuyang mayor ng Maynila na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong 2019.

Si Mayor-elect Honey Lacuna ay anak ng dating bise alkalde na si Danilo “Danny” Lacuna Sr. na nagsilbi sa Lungsod ng Maynila noong panahon nina Manila Mayor Alfredo S. Lim at Lito Atienza

Bukod kina Lacuna at Servo ay ipiniroklama na din ang mga nanalong konsehal at congressman mula sa anim na distrito ng lungsod tulad nina 1st District Congressman Ernix Dionisio, 2nd Dist. Rolan Valeriano, 3rd District Joel Chua, 4th Dist. Edward Maceda, 5th Dist. Irwin Tieng, at 6th Dist. Benny Abante na pawang mga nasa ilalim ng partido ng Asenso Manileño. Ni Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE