Lacson

Lacson hangad itama maling pagpapatupad ng mga batas

March 25, 2022 People's Tonight 181 views

DISMAYADO sina independent president candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate niyang si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa ilang mga batas na hindi maayos na naipatutupad kaya nababalewala ang ‘espiritu’ nito na siya sanang solusyon sa problema ng publiko.

Anila, kahit pa maraming na silang nagawang batas na makatutulong, lalo na sa mahihirap nating kababayan, ilan sa mga ito ay hindi nararamdaman dahil sa implementing rules and regulations (IRR) na binabalangkas ng ilang miyembro ng ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Nilantad ng tambalang Lacson-Sotto ang katotohanang ito sa kanilang pakikipagdayalogo sa mga taga-Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Martes, kung saan isang propesor ang naghayag na hindi nila nakikita ang epekto ng Republic Act 9178 o Barangay Micro-Business Enterprise Act of 2002 dahil sa kakulangan ng suporta mula sa local government units (LGU).

“Kami, gawa kami nang gawa ng batas, ang problema pagdating sa implementation, IRR pa lamang nababago na. Parang nagkakaroon ng panibagong batas na hindi tumutugon doon sa batas na ipinasa ng Kongreso,” sabi ni Lacson sa mga dumalo sa kanilang town hall meeting.

Nauunawaan ito ng presidential candidate dahil ito rin umano ang kanilang naoobserbahan at tinatanong kapag sila’y nagsisiyasat sa Senado. Binigyang-diin niya na dapat ay mas mabigat ang mga probisyon na isinasaad ng batas kaysa sa nilalaman ng IRR, ngunit hindi ito ang madalas na nangyayari.

“Mayroon tayong kasabihan, ‘di ba, ‘yung ‘water cannot be higher than its source.’ ‘Pag ito ‘yung batas, ito’y nananalig sa ating Saligang-Batas, which is the fundamental law of the land. At ‘yung ipinasang batas dapat mas mataas kaysa doon sa tinatawag na implementing rules and regulations,” paliwanag ni Lacson.

Ito rin ang sentimyento ni Sotto, at aniya ay naging pangunahing dahilan upang magdesisyon silang dalawa ni Lacson na itaya ang kanilang mga sarili ngayong Halalan 2022. Misyon umano nilang itama ang pagpapatupad ng mga batas na sila mismo ang nag-akda at nagsulong.

“Alam mo, hirap na ‘yung loob namin doon sa mga batas namin na marami kaming ginawa na hindi nai-implement nang tama. Isa sa mga sakit ng ulo namin, oras na may ginawa kaming batas, ang nangyayari sa executive department may mga nakikialam doon,” ayon sa Senate President.

“Doon sa IRR na ginagawa nila ay kung minsan binago nila ‘yung batas e. Wala na doon ‘yung espiritu ‘nung gusto namin na mangyari sa batas e. Kaya ‘yon ang isa sa mga dahilan kung bakit natulak kami dito sa (halalan) pampanguluhan sa 2022,” dagdag ni Sotto.

Kabilang sa mga maling naipatupad na madalas nababanggit ng tambalang Lacson-Sotto sa kanilang pakikipagdayalogo ang dalawang Bayanihan Laws na kanilang ipinasa noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, partikular dito ang pamamahagi ng pinansyal na ayuda na hindi ganap na naging maayos dahil mayroong mga nararapat na benepisyaryong hindi nakatanggap nito.

AUTHOR PROFILE