Labu-labo sa PNP chief post

June 11, 2022 Marlon Purification 221 views

Marlon PurificationHABANG papalapit ang inagurasyon ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa darating na June 30 lalo namang tumitindi ang mga haka-haka kung magkakaroon ba tayo ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).

Sa kasalukuyan, ang acting PNP chief ay si Lt. Gen. Vicente Danao, Jr., miyembro ng Sambisig Class of 1991 ng Philippine Military Academy (PMA).

Kilalang malapit na tauhan ni outgoing President Rodrigo Duterte si Danao na naging PNP deputy chief for operations; hepe ng PNP directorial staff, National Capital Region Police Office (NCRPO); director ng Police Regional Office 4; hepe ng Manila Police District, PNP-Criminal Investigation and Detection Group; Anti-Illegal Drugs; Directorate for Intelligence at Davao City police chief.

In fairness, maayos namang magtrabaho si Danao. Ang problema lang talaga ay magpapalit na ang administrasyon kaya binibigyan ang kalayaan si Pangulong Marcos kung pananatilihin ba siya sa puwesto o hindi.

Marami tayong naririnig na posibleng pumalit sa kanya. Iyan ay kung tatanggalin siya ni PBBM.

Isa na rito si Lt. Gen. Rodolfo Azurin na miyembro ng PMA Makatao Class of 1989. Naging director ito ng PNP Comptrollership; PNP Directorate for Information and Communications Technology (DICT) at kasalukuyang Area Police Commander ng Northern Luzon.

Tahimik lamang magtrabaho ang magiting na heneral. Pero base sa mga Marites, malapit sa pamilya ng Pangulong Marcos si Gen. Azurin. Magkapitbahay din daw ang pamilya Marcos at Azurin sa Batac, Ilocos Norte.

Sabi ni Marites, marami na laging bisita si Azurin sa opisina niya sa Clark kaya parang ito ang llamado sa PNP post race.

Isa pang kandidato sa pagka-PNP chief ay si PNP deputy chief for administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia.

Naging makulay ang tinahak na landas ni Sermonia bago narating ang ikalawang puwesto sa PNP post. Naging Best Junior Police Office; naging recipient ng Outstanding Policemen Service in 2019 ng Metrobank Foundation Inc; 2004 PMA Cavalier Award for Police Operations at ang maayos na paghawak sa Task Force Covid Shield at marami pang iba.

Magkagayunman, minsan na rin itong nabanatan ni outgoing Senator Ping Lacson dahil sa umano’y paggamit sa pondo ng PNP para magamit sa pulitika. Itinanggi ito ni Sermonia.

Ang huling Marites sa kanya, may kaibigan daw itong operator ng Small Town Lottery (STL) na hindi naman tayo naniniwala.

Kamakailan, si Gen. Sermonia ay nagpakasal uli sa asawang si Ma’am Cherry Pie at ‘sponsor’ nila sa kasal si Executive Secretary designate Atty. Vic Rodriguez.

Samantala, isa pa sa posibleng maging PNP chief ay si Deputy Chief for Operations Val de Leon na miyembro rin ng PMA class of 1989.

Naging hepe ito ng Davao City Police Office at Davao Oriental Police Provincial Office. Noong panahong iyon, ang grupo ni De Leon ang nakasugpo sa September 2016 night market bombing sa Davao kung saan 15 ang namatay at sumugat sa 69 katao.

Labing-isang miyembro ng Maute group ang kanilang naaresto at nasentensiyahan ng Taguig Regional Trial Curt ng multiple murders at multiple attempted murders.

Naging Best Police Regional Office ang Police Regional Office (PRO) 3 na pinamununan nito dahil sa pagkakapatay sa apat na Chinese drug lords sa Zambales kung saan ay nakuha sa kanila ang 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.5 billion.

Dahil sa galing at husay, si De Leon ang kauna-unahang naging heneral sa kanilang batch noong taong 2016 at kinilala rin bilang Best Senior Police Commissioned Officer.

Nang pamunuan ang Firearms and Explosives Office (FEO), si De Leon ang naging instumento kaya napa-computerized ang transaksiyon sa pag-aaplly ng lisensiya ng baril.

Nitong eleksiyon, nag-perform ng maayos si De Leon para maging maayos ang nakalipas na eleksiyon. Ang sinumang grupo na nagtangkang manggulo sa BBM Headquarters sa Mandaluyong City ay madali nitong naitataboy sa maayos na paraan.

Kilalang malapit na kaibigan ni Vice President Inday Sara Duterte si De Leon, pero para sa nakakakilala sa kanya, hindi nito ginagamit ang pulitika, basta una ang trabaho para sa maayos na serbisyo sa taumbayan.

Marami pang pangalan ang lumulutang.

Alam ko naman na kahit sino sa kanila ang maging PNP chief, magiging maayos ang lagay ng ating bayan dahil pare-pareho silang may sinserong dedikasyon sa sinumpaan nilang tungkulin sa bayan.