Laborer nag-amok dahil sa ‘tansan’
DAHIL lamang sa isang takip na tansan ng alak na naapakan, nagmistulang ala “Rambo” sa galit at magwala gamit ang ice pick ang isang 30-anyos na construction worker at kung ano-ano na lamang ang inihahagis sa gitna ng kalye, Linggo ng gabi sa Quiapo, Maynila.
Agad namang umaksyon ang Punong Barangay at ipinaaresto ang suspek na si Balweg Dizon, binata, ng Fraternal St., sakop ng Bgy. 385 sa Quiapo.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Barbosa Police Station 14, bandang 7:50 ng gabi, nang magwala si Dizon sa gitna ng kalsada sa Fraternal St., sa Quiapo.
Dahil dito, sakit ng ulo ang nagresulta sa pagkakadakip ng suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal) at R.O 864-C in relation to BP 881 Omnibus Election Code.
Ayon kay Chairwoman Francisca Aileen Zarate ng Bgy. 385, Quiapo, nakatanggap umano ito ng report sa pamamagitan ng text message hinggil sa ginagawang pagwawala ng binata.
Dito na nakipagkoordina ang kanyang mga tanod sa Palanca Police Community Precinct saka ito nirespondehan.
Ilang residente ang nagkaroon ng tensiyon sa lugar at ng dumating ang mga pulis, nakita nila si Dizon na hawak-hawak pa ang ice pick at mga nagkalat na mga bote, bato at ilang bagay.
Agad na pinosasan ang suspek at bago dalhin sa presinto ay isinailalim muna ito sa medical checkup sa Justice Jose Abad Santos General Hospital.