
Laborer dedo sa marmol sa Kyusi
PATAY ang 37-anyos na laborer na nagkakabit ng tiles nang aksidenteng mabagsakan ng marmol sa ulo Miyerkules ng umaga sa Quezon City.
Ang biktima ay isang tiles installer, tubong Masbate at residente ng Tumana, Marikina City.
Agad namang inaresto ang dalawang mga kasamahan ng biktima, habang nakatakas naman ang driver nila.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 10:00 ng umaga (Set. 28) nang maganap ang trahedya sa harapan ng Tierra Pura Executive Village, Barangay Culiat, Quezon City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Nido B. Gevero Jr., ng CIDU, nagtungo umano sa nasabing lugar ang biktima kasama ang mga suspek sakay ng truck upang mag-deliver ng apat na piraso ng marmol na may sukat na 184×275 sentimetro na tumitimbang ng 300 kilos kada tilad.
Pero dahil nabigo silang magdala ng tagapag-angat o “lifter” para ligtas na maibaba ang idedeliber ay mano-manong binuhat ng biktima katuwang ang mga nabanggit na kasamahan ang mga marmol at dahil sa bigat ay aksidenteng dumulas ang mga tiles at nabagsakan sa ulo ang biktima.
Agad na isinugod sa New Era General Hospital ang biktima pero idineklara na itong dead on arrival, bandang 10:10 ng umaga, ng attending physician.
Pahayag ng doktor, “Traumatic Brain Injury, Basal Skull Fracture Secondary to Industrial Accident and Crash Injury” ang sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima.
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting to homicide laban sa dalawang katrabaho ng nasawi habang pinaghahanap pa ang driver na nakatakas.