
Labi ni Col. Malabed naiuwi na mula U.S.
NAUWI na mula sa United States ang mga labi ni Colonel Pergentino Malabed Jr., ang mataas na opisyal ng Philippine National Police na isa sa 67 tao na nasawi sa salpukan ng dalawang eroplano sa Washington DC noon nakaraang Enero 29.
Biyernes ng umaga ay dinala ang mga labi ng biktima sa PNP National Headquarters sa Crame Crame kung saan siya ay binigyan ng parangal ng liderato ng PNP at kanyang mga kaklase mula sa PNP Academy ‘Kabalikat’ Class of 1998.
Ang hepe ng Supply Management Division ng PNP Directorate for Logistics ay nasa opisyal na biyahe sa Amerika para sa pre-delivery inspection ng 2,675 all-purpose vests na bibilhin ng PNP.
Matapos magtungo sa India para sa unang bahagi ng inspeksyon, lumipad siya patungong Estados Unidos noong Enero 27 upang ipagpatuloy ang pagsusuri ng mga vest at mag-exit call kay PNP Police Attaché sa Washington D.C., Col. Moises Villaceran Jr.
Ngunit sa kanyang paglipad mula Kansas patungong Washington, ang eroplanong sinasakyan niya—isang PSA Airline jet ng American Airlines na may 60 pasahero at 4 na crew members—ay nakabanggaan ng isang Sikorsky Black Hawk helicopter ng U.S. military habang papalapit sa Reagan Washington National Airport.
Tatlo ding piloto at crew ng naturang Blackhawk ang nasawi sa naturang insidente.
Isang official honors ang ipapatupad ng PNP para paggunita sa kabnayanihan ni Col. Malabed.
Bago ito, isang foyer honors ang isinagawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa kanya bago dalhin ang kanyang mga labi sa Camp Crame kung saan isang arrival honors kasabay ng isang relihiyosong seremonya at pagbibigay ng pagpupugay sa pamamagitan ng pagbabantay ng vigil guards ang isinagawa.
Nakatakdang isagawa ang necrological services sa Multi-Purpose Center ng Camp Crame, kung saan bibigyan ng pagkilala ang dedikasyon ni Col. Malabed sa serbisyo.
Sa darating na Pebrero 27 ay ihahatid sa kanyang huling hantungan sa Memorial Gardens sa Sta. Rosa City, Laguna ang nasawing opisyal kung saan isasagawa ang funeral honors bilang pagbibigay ng pinakamataas na pagpupugay sa kanyang kabayanihan.
Nagpaabot ng pakikiramay si PNP chief, Gen. Rommel Francisco D. Marbil, sa pamilya ni Col. Malabed at kinilala ang kanyang di-matatawarang serbisyo sa PNP.
“Si Col. Malabed ay isang huwarang opisyal na nag-alay ng kanyang buhay sa pagseserbisyo sa bayan. Ang kanyang sakripisyo ay hindi malilimutan at magsisilbing inspirasyon sa ating hanay upang ipagpatuloy ang kanyang nasimulang misyon sa pagpapalakas ng ating organisasyon,” ayon sa PNP chief.
Kasabay ng malungkot na pangyayaring ito, tiniyak ng PNP na ang pagbibigay ng kaukulang benepisyo sa pamilya ni Col. Malabed ay alinsunod sa patakarang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagsusulong ng mas maayos at mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga lingkod-bayan.
Bilang miyembro ng Public Safety Mutual Benefit Fund, Inc. (PSMBFI), makakatanggap ang pamilya ni Col. Malabed ng accident death benefits na may kabuuang halagang PHP 2,698,140.84.
Sa kabila ng trahedyang ito, nananatiling matatag ang PNP sa pagpapakita ng pagkakaisa at suporta sa pamilya ng kanilang yumaong kasamahan.
Ipinapakita ng mga seremonyang inihanda para kay Col. Malabed ang pagpapahalaga sa kanyang dedikasyon sa serbisyo at ang pangako ng PNP na hindi malilimutan ang kanyang ambag sa organisasyon at sa bayan, ayon kay PNP Public Information Office chief, Col. Randulf T. Tuaño.