Labanan ng bata at tander sa halalan 2022!
ISA-ISAHIN natin ang edad ng mga umuugong na tatakbo sa darating na Halalan 2022.
Lumilitaw na si Senador Manny Pacquiao pala ang magiging pinakabatang presidential candidate kung tutuloy ito sa pagtakbo sa pampanguluhan. Si Pacman ay 42 anyos pa lang ngayon.
Magdiriwang ng ika-43 taong kaarawan si Pacman sa darating na Disyembre 17 na ipinanganak taong 1978.
Ang sumunod na bata sa kanya ay si Davao City Mayor Sara Duterte na 43-taong gulang pa lamang. Nag-birthday ito noong nagdaang Mayo 31 na ipinanganak din sa parehong taon ni Pacquiao.
Kaya halos magka-edad lamang sina Inday Sara at Pacman.
Sa darating na Oktubre 24 ay magdiriwang naman ng kanyang ika-47-taong kaarawan si Manila Mayor Isko Moreno. Halos ka-edad nito si Senador Bong Go na nagdiwang ng kanyang ika-47 noong June 14. Parehong 1974 isinilang sina Go at Moreno.
Si dating Speaker of the House Alan Peter Cayetano ay magse-celebrate ng kanyang 51st birthday sa darating na Oktubre 28 na ipinanganak taong 1970.
Si Vice-President Leni Robredo ay 56-taong gulang na ang birthday ay April 23, 1965.
Itinuturing namang senior citizen na si dating Senador Bongbong Marcos na katatapos lamang magdiwang ng kanyang ika-64 kaarawan noong nagdaang Setyembre 13. Taong 1957 nang ipinanganak si BBM.
Magka-edad naman sina Senate President Tito Sotto at Senador Ping Lacson na parehong 73-taong gulang. Si SP ay ipinanganak noong August 24, 1948 at ang dating PNP chief ay ipinanganak din noong taong iyon ng June 1.
Pinakamatanda na pobileng kandidato sa darating na halalan si Pangulong Rodrigo Duterte na ipinanganak noong March 28, 1945. Ang edad nito ngayon ay 76-taong gulang.
Magiging exciting ang nalalapit na national elections. Magiging labanan kasi ito ng mga bata at matatandang pulitiko.
Hindi lang ito labanan ng siraan at batuhan ng putik sa isa’t isa kundi labanan din kung sino talaga sa kanila ang higit na karapat-dapat para pamunuan ang bayan.
Si Pacquaio ay laki sa hirap at sa batang edad, marami naman talaga siyang natutulungan sa mga kababayan sa Mindanao. Samantalang si Inday Sara naman ay hindi masyadong halata ang pagiging ‘bata’ pa sa pulitika dahil abogada ito, sopistikada at maganda.
At siyempre, alam ng lahat na kapag dugong Duterte, matapang si Inday, palaban at handang ipaglaban ang mga naaaping kababayan.
Payag si SP Sotto na tawagin siyang Jurasic senator. Edge pa nga raw iyon ng kandidatura nila ni Ping dahil dito makikita na higit silang may karanasan, kakayahan at katalinuhan.
Wala tayong masabi sa Malasakit Center ni Senador Bong Go. Ito ang tatak niya sa taong natulungan ng kanyang libreng pahospital. Ito rin ang nagbibigay ng sarili niyang pangalan na dati’y ang tingin lang ng tao ay lagi lang siyang nakakuyapit sa popularidad ng Presidente.
Si Cayetano naman ay pinag-uusapan na rin ang kanyang P10k ayuda. In fairness, marami nang natulungan ito. Iyong makinarya ng Dilaw ay nariyan pa rin kaya kung totoong makakasama nito sa tiket si Isko, hindi magiging bagahe si Robredo – iyan ang sariling tingin ko.
Si BBM naman ay ‘slowly but surely’ sa planong pagtakbo sa pulitika. Nitong Sabado ng umaga ay nagkaroon ng pagpupulong ang Pardito Federal ng Pilipinas via zoom. Iba’t ibang leader ang dumalo rito na tulad ng iba pang presidentiables ay marami ang naghahayag ng suporta sa kanyang pagtakbo.
Wala itong pakialam sa bangayan ng pro at anti-Duterte ngayon. Basta siya, unti-unti nang nakalatag ang ‘road map’ ng kanyang kampanya.
At siyempre, yung Duterte magic ay nandiyan pa rin. Kahit si Digong ang pinakamatandang kandidato, tiyak na llamado ang kandidatura nito at sinumang presidential candidate na kanyang susuportahan.
Malakas pa rin ang hatak nito at bilang patunay, palaging nasa Top 1 survey si Inday Sara ngayon kasi nga dahil ang pangalan nila ay Duterte.
Next week tiyak ay may pagbabago na sa labanan sa pulitika. Konting tulog na lang at magkakaalaman na kung sinu-sino sa kanila ang maglalaban-laban at maghahain ng kandidatura sa darating na Oktubre 1-8.