Labanan kriminalidad dulot ng POGO–Sen. Win
NANAWAGAN si Sen. Sherwin Gatchalian sa taumbayan na labanan ang lumalalang kriminalidad kaugnay ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) matapos ang raid na naganap sa isang ilegal POGO facility sa Subic Bay Freeport Zone.
Nailigtas ng mga pulis ang 18 Chinese nationals at naaresto ang dalawang suspek sa isinagawang raid.
Ang raid nagresulta sa pagkumpiska ng mga desktop computers, mobile phones at iba’t ibang mga dokumento na pinaniniwalaang ginagamit sa mga ilegal na operasyon.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nag-ugat ang raid sa search warrant galing sa Olongapo City Regional Trial Court para sa mga posibleng paglabag sa mga batas laban sa human trafficking.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang raid karagdagang patunay ng laganap na kriminalidad kaugnay ng POGOs sa bansa.
“Ang raid patunay na nananatiling laganap ang mga krimeng kaugnay ng POGO tulad ng human trafficking at scamming,” ayon kay Gatchalian.
Nanawagan siya sa mga ahensya ng pamahalaan, lokal na awtoridad, at mga mamamayan na maging mas mapagmatyag at proactive sa paglaban sa mga operasyon ng POGO.
Sa kanyang pahayag, tinukoy rin ni Gatchalian ang pagbabalik ng dating mayor ng Bamban, Tarlac n si Alice Guo, isang pangunahing personalidad sa mga operasyon ng POGO, sa bansa.
“Ngayong nandito nang muli si Alice Guo, panahon na upang ilahad niya ang buong katotohanan tungkol sa operasyon ng POGO sa Bamban,” sabi ni Gatchalian.
Ang panibagong panawagan ni Gatchalian nagbigay-diin sa lumalaking pagkabahala ng publiko tungkol sa epekto ng mga operasyon ng POGO sa lipunan at kriminalidad, partikular sa human trafficking at iba pang ilegal na aktibidad na kaugnay ng mga negosyong ito.