Bekis Run

Kylie, ‘most important star’ ng Viva

September 12, 2021 Ian F. Fariñas 468 views

DAHIL sa pagkakasunud-sunod ng projects, matagumpay na premiere at favorable feedback sa launching pic niyang The Housemaid, Viva’s “most important star” na ang tawag sa beauty queen-turned-actress na si Kylie Versoza.

Sa virtual mediacon ng bago niyang pelikulang Bekis on the Run sa ilalim ng direksyon ng batikang si Joel Lamangan, hindi makapaniwala si Kylie sa bagong titulo.

“Wow, talaga ba?” gulat na sinabi ng beauty queen-actress. “Salamat, very flattered, pero tingin ko marami kami sa Viva na deserving,” patuloy niya.

If at all, sobrang grateful daw si Kylie na pinagkakatiwalaan siya at binibigyan ng magagandang proyekto ng Viva bosses na sina Boss Vic, Vincent at Veronique del Rosario.

Isang bagay lang ang pinanghihinayangan ng GF ni Jake Cuenca ngayon. At ito ay ang pangyayaring ni hindi man lamang sila makapag-celebrate ng success ng The Housemaid dahil nga sa restrictions na dulot ng Covid-19 pandemic.

Ganunpaman, tinitingnan na lang daw ni Kylie ang brighter side ng mga ganap.

Mula sa mabigat at mapangahas na pelikulang The Housemaid sa ilalim ng direksyon ni Roman Perez, ngayon ay sumasabak naman siya sa comedy-drama na pinamamahalaan naman ni Direk Joel.

Bilang aktres, aniya, gusto niyang makatrabaho ang mga beterano sa industriya, hindi lang mapa-artista, kundi mapa-direktor din.

Katunayan, nasa bucket list nga raw niya talaga ang makatrabaho si Direk Joel na natupad na nga ngayon sa Bekis on the Run.

“Iba siyang klase ng comedy, ’di full comedy, may pagka-bigat din siya,” banggit ni Kylie.

Sa istorya, ginagampanan niya ang role ni Adriana, love interest siya ng karakter ni Diego Loyzaga na si Andres, kapatid ng bading na si Donald (Christian Bables).

Susubukan nina Andres at Donald na magnakaw isang construction site, pero wala sa plano nila ang mga sumunod na nangyari kaya mapipilitan silang tumakbo.

Makukuha nila ang simpatiya ng publiko, lalo na ng gay community, nang mag-viral sa social media ang video ni Nanay Pacing (Lou Veloso), na siyang dahilan kung bakit sinubukang magnakaw ng magkapatid.

Bukod sa pagiging comedy-drama, tatalakayin din ng Bekis on the Run ang korapsyon at iba pang hindi napag-uusapang tema tulad ng gay men sa militar.

Kasama rin si Sean de Guzman bilang Martin, boyfriend ni Donald, eksklusibong mapapanood ang Bekis on the Run sa Vivamax simula sa September 17.

AUTHOR PROFILE