Kylie

Kylie, ayaw tawaging ‘failed relationship’ si Jake

April 22, 2022 Ian F. Fariñas 153 views

BIGO ang entertainment writers na paaminin ang beauty queen-actress na si Kylie Versoza tungkol sa kontrobersyal na paghihiwalay umano nila ng long-time boyfriend na si Jake Cuenca.

Sa presscon ng latest movie niya sa Viva Films na Ikaw Lang Ang Mahal, ilang beses sinubukan ng writers na tanungin si Kylie tungkol sa isyu, pero paulit-ulit din itong umiwas sa direktang pagsagot.

Bukod sa tsismis na ilang buwan nang hiwalay ang magdyowa, maingay ding pinag-usapan maging sa social media ang diumano’y pag-iyak ng beauty queen-actress sa isang segment ng ABS-CBN noontime show na It’s Showtime kamakailan habang inaalo ni Ruffa Gutierrez.

Basta ang sabi lang ni Kylie, sa pagkakataong ito ang sarili niya ang sasabihan niya ng “Ikaw lang ang mahal ko.”

Nang hingan ng komento tungkol sa Showtime incident, ang sagot niya, “Mahirap po kasing i-explain, eh. At saka kung okay lang po sana, huwag n’yo na lang tanungin ngayon, pero gusto ko lang po i-focus ’yung movie ngayon, pero sana po, huwag n’yo na lang tanungin,” na nirespeto naman ng nagtanong sa Q&A portion.

Naniniwala naman ang dalaga na pwedeng magmahal ng tamang tao sa maling panahon.

“Siguro pwede kong mahalin ang isang tao pero mali ang you know, the right love at the wrong place and at the wrong time.

Hindi raw niya matatawag na “failed relationship” ang nangyari sa kanila ni Jake. Pero bukod doon, tumanggi na siyang mag-elaborate pa.

Direkta siyang inusisa kung masasabi ba niyang sila pa rin ng aktor, pero muli, hindi na sumagot si Kylie.

Sa isang punto naman ng presscon, idinaan na lang niya sa biro ang pagsagot sa tanong kung kumusta na ang puso ng bawat isa sa cast.

Ani Kylie, “It’s getting better everyday. Lumalakas everyday kasi, nag-e-exercise tayo. Mahilig po kasi akong mag-exercise and the more you exercise, mas lalong lumalakas ang puso n’yo.

Samantala, kasama ni Kylie sa Ikaw Lang ang Mahal sina Zanjoe Marudo at Cara Gonzales sa ilalim ng direksyon ni Richard Sommes. Mapapanood ito simula May 20 sa Vivamax.

AUTHOR PROFILE