Cindy

Kylie at Cindy, nag-react sa binabalak na censorship sa online streaming sites

November 21, 2021 Ian F. Fariñas 274 views

TUNGKOL pa rin sa usapin ng censorship sa online streaming sites, natanong sina Kylie Versoza at Cindy Miranda, ang mga seksing bida ng Vivamax original movie na My Husband, My Lover, tungkol dito sa isang virtual mediacon kamakailan.

Pareho silang naniniwala na ang online streaming ay isang malayang avenue sa pag-express ng mga ideya ng mga taga-pelikula.

Ani Kylie, ang kagandahan ng online streaming ay ang pangyayaring hindi nga ito masyadong regulated kaya naman ang content nito ay mas provocative at mas nakakapaglatag ng matatapang at socially relevant issues.

Dagdag niya, “I’m not really for it but if it’s the mandate of the government, who are we to oppose?”

Unlike sa theaters o cinemas na very public venues, nasa bahay o pribadong space naman daw ang audience ng online streaming sites.

Kaya mas may privacy ang mga manonood rito at mas may choice na panoorin kung ano ang gustong panoorin.

Wala rin namang nakikitang problema si Cindy sakali mang matuloy ang paghihigpit sa online streaming sites.

Hindi rin sila naniniwala na magkakaroon ito ng epekto sa kani-kanilang career, lalo pa nga’t gaya sa My Husband, My Lover, eh, sobrang palaban ang kanilang mga character sa pagpapaseksi onscreen.

Katwiran nina Kylie at Cindy, ang kagandahan sa Viva, eh, binibigyan pa rin sila ng options sa kung anong proyekto ang gusto nilang gawin.

Libre pa rin naman daw silang mamili ng proyekto, mapaseksi man o hindi.

At ang importante, alam daw nila na hindi lang sila typecast sa pagpapa-sexy. Serious actresses din sila kung kinakailangan sa project.

“Hindi lang ’yon ang kaya naming ipakita,” giit pa ng dalawa.

Anyway, kasama rin nina Kylie at Cindy sa My Husband, My Lover sina Marco Gumabao at Adrian Alandy sa ilalim ng direksyon ni Mac Alejandre.

Magsisimula itong mapanood via streaming sa Vivamax sa November 26.

AUTHOR PROFILE