Crime

KUYA NAISTORBO SA PAGTULOG, KAPATID PINATAY

July 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 352 views

Dahil malakas ang TV

PATAY ang isang 29-anyos na babae matapos saksakin ng kanyang kuya na naistorbo umano nito sa pagtulog dahil sa malakas na telebisyon nitong Sabado ng gabi sa Sto Tomas City, Batangas.

Nakilala ang biktima na sin Mathel Catapang, residente ng Purok 6, Barangay San Miguel, Sto Tomas , Batangas.

Pinaghahanap ng pulisya ang suspect na si Allan Catapang, 40, na mabilis na tumakas matapos ang insidente dala ang patalim na ginamit sa pamamaslang.

Batay sa ulat ng PNP, natutulog umano ang suspect sa kanilang sala nang dumating ang biktima at binuksan ang telebisyon.

Napalakas umano ang tunog ng telebisyon kung kaya’t naalimpungatan ang suspect at nagising at kinumpronta ang kapatid.

Agad na nagtalo ang magkapatid hanggang sa kumuha ng patalim ang suspect at sinaksak ang biktima sa katawan.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspect habang isinugod ang biktima sa Saint Frances Cabrini Hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang lonaw ang insidente.