Kuya Kim

Kuya Kim sa isyu kay Mang Tani: How can I replace my mentor?

October 5, 2021 Ian F. Fariñas 336 views

PORMAL nang binigyan ng online welcome mediacon kahapon ng GMA Network ang dating Kapamilya na si Kuya Kim Atienza bilang pinakabagong Kapuso.

“Nanliliit” nga raw ang pakiramdam ng ngayo’y binansagan nang “Oppa ng Kaalaman” dahil sa init at tindi ng pag-welcome na ginawa sa kanya ng kanyang bagong tahanan.

Surreal para kay Kuya Kim ang pagiging Kapuso dahil ni sa guni-guni, hindi raw niya inakala na mangyayari ang kanyang paglipat.

Aniya pa, nakakataba ng puso at feeling valued talaga siya na mismong ang GMA big boss pa na si Atty. Felipe Gozon ang isa sa mga bumati sa kanya.

Kasama rin sa “welcoming committee” ang anak nitong si Atty. Annette Gozon-Valdez at mga Kapuso artist na sina Marian Rivera, Dingdong Dantes, Atom Araullo, atbp.

Para kay Kuya Kim, perfect timing ang ginawa niyang paglipat taliwas sa banat ng bashers niya na iniwan niya ang ABS-CBN sa gitna ng mga problema ng istasyon.

Paliwanag niya, “It came at a time when I want to be busy. Television is my passion and GMA gave me that opportunity to pursue that purpose.”

Dagdag ni Kuya Kim, “I am not leaving abs-cbn at its darkest moment. In a few months they are announcing something good and I’m happy for them. I’m leaving them at a time that is good.”

Kung ano ang anunsiyong iyon, hindi na siya nag-elaborate pa. Basta ang giit niya, kung nahuli-huli siya ng lipat, baka hindi naging maganda ang kinalabasan nito.

Sa pang-iintriga naman sa kanila ng resident meteorologist ng GMA na si Mang Tani (Cruz), nilinaw ni Kuya Kim na hindi sila pwedeng pagsabungin dahil mentor niya ito nu’ng nagsisimula pa lang siya bilang weather anchor sa kabilang channel at si Mang Tani naman ay nagtatrabaho pa sa Pag-asa.

“How can I replace my mentor?” tanong ni Kuya Kim, na siniguro pang walang ganu’ng pangyayari at gawa-gawa lamang ang isyu ng mga netizen.

Dalawang shows ang inanunsyo ni Atty. Gozon na gagawin ni Kuya Kim sa GMA: Ang 24 Oras, kung saan makakasama niya si Mang Tani, at ang infotainment program na Dapat Alam Mo.

Nakatakda na raw silang mag-taping sa susunod na linggo.

Bukod sa mag-aasawang Dingdong at Marian at Drew Arellano at Iya Villania, na family friends nila ng misis niya, bet ni Kuya Kim makatrabaho si Michael V.

Lingid sa kaalaman ng marami, dati palang aide ng tatay niyang si vice presidentiable Lito Atienza ang ama ni Bitoy na si Mang Cesar.

Malalim daw ang pinagsamahan nila ni Bitoy kaya gusto ni Kuya Kim na makatrabaho ito sa Bubble Gang.

“Tawang-tawa ako sa Bubble Gang. Isa siyang henyo, eh,” banggit pa niya.

AUTHOR PROFILE