Kush nakumpiska sa courier service
KINUMPISKA ng pulisya ang ilang paketeng naglalaman ng mataas na uri ng marijuana o “kush” sa isang sangay ng bantog na courier service matapos matuklasang kontrabando ang laman ng mga ito Sabado ng hapon sa Caloocan City,
Sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta na kilala na nila ang nagpadala at tatanggap sana ng mga tatlong paketeng may pitong bungkos ng plastic sachet na naglalaman ng 700 gramo ng high grade marijuana na nagkakahalaga ng P84,000, isang naka-tape na plastic sachet na may lamang 50 gramo ng Kush na nagkakahalaga ng P70,000 at 16 na vials ng marijuana oil na may halagang P112,000 at kasalukuyan ng tinutugis ang mga ito ng kapulisan.
Lumabas sa imbestigasyon ni P/MSg Rico Mar William Bonifacio na dakong alas-5:44 nang matuklasan ng kawani ng isang sangay ng jrs Express sa Samson Road, Brgy. 72 ang kahina-hinalang paketeng ipinadadala sa kanila sa Tagum City sa Davao De Norte kung saan nakalagay ang pangalan ng tatanggap, matapos niya itong inspeksiyunin,
Kaagad na humingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng sangay ng JRS Express kaya’t nagresponde ang mga tauhan ng Grace Park Police Sub-Station 3 upang tugisin ang nagpadala subalit hindi na nila ito inabutan.
Ibinigay na ng JRS Express sa pangangalaga ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang naturang kontrabando para sa dokumentasyon at disposisyon habang nagsilbi namang testigo sa isinagawang inventory ang mga kagawad ng barangay at isang lehitimong mamamahayag.
Sinabi ni Col. Lacuesta na makikipag-ugnayan na rin sila sa Regional Police Office sa Davao Del Norte upang matunton ang lalaking tatanggap ng pakete na ibinigay na nila ang pagkakakilanlan habang patuloy ang kanilang follow-up operation para sa ikadarakip naman ng nagpadala nito.