Kudos, Sen. Bong Revilla

November 16, 2021 Paul M. Gutierrez 81 views

PaulNOONG Lunes, Nobyembre 15, “natapos” na rin, sa wakas, ang ‘COC (certificate of candidacy) drama’ sa Commission on Elections (Comelec), dahil natapos na rin ang mga espekulasyon hinggil sa kung anong pinal na posisyon ang tatakbuhan ng mga kandidato.

At siyempre, ang ‘highlight’ nito ay ang desisyon na tatakbo na lang pala bilang senador si Pang. Rody at hindi na bilang bise-presidente kung saan makakatunggali niya sa posisyon ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara ‘Inday’ Duterte.

Umuwi na ring “luhaan” ang mga ‘supporters’ ni Mayor Inday—maaga pa ay “nakapalibot” na sila sa Comelec sa Intramuros, Maynila—dahil natapos ang maghapon ay hindi siya sumipot upang “palitan” ang kanyang COC para tumakbong presidente na gusto nilang mangyari—na magiging dahilan naman upang maglaban (sana) sila ni Sen. Bongbong Marcos na siguradong “maghahati” sa kanilang boto.

Translation? Puwede nang ituon ng mga Pinoy ang kanilang atensyon sa pormal na pagsisimula ng kampanya ng lahat ng kandidato sa buwan ng Pebrero sa susunod na taon.

***

Kahapon naman, araw ng Martes, naging “mabunga” ang talakayan sa pagitan ng National Press Club (NPC) at tanggapan ni Sen. Bong Revilla, hinggil sa panukalang ‘National Press Freedom Day’ na may anim na taon na ngayong isinusulong ng NPC, kasama ang mga lider ng Bulacan at mga kapatid natin sa Bulacan Press Club.

Sa ating panukala, gagawin ito tuwing Agosto 30, ang kapanganakan ni Gat. Marcelo ‘Plaridel’ H. Del Pilar, ang “Ama ng Pamamahayag” sa Pilipinas at ipinanganak sa Bulacan, Bulacan noong 1850.

Para sa atin at sa iba pang mga nakabasa at nagsaliksik sa buhay ni Gat. Plaridel, dapat lang talagang kilalanin ang kanyang kabayanihan at mga kontribusyon para sa ating pambasang kasarinlan.

Halimbawa, “utang” natin sa kanya ang salitang “kalayaan” sa ating diksyunaryo.

At kung hindi dahil sa “dikta” ng mga Amerikano, si Plaridel—hindi si Jose Rizal—ang dapat nating pambansang bayani.

Sa napakatagal nang panahon, tanging sa kanyang bayang sinilangan sa Bulacan kinikilala at ginugunita ang kanyang mga nagawa tuwing Agosto 30, bagaman buong ‘Pinas ang nakinabang sa kanyang mga isinulat at mga kontribusyon—ang ating pambansangg kalayaan sa pananakop ng mga Kastila.

Kaya nga natutuwa tayo na may isang Sen. Bong Revilla na lingid sa kaalaman ng marami ay nagtutulak pala sa nararapat na pagpupugay kay Gat. Plaridel.

Aber, mantakin mo nga naman, dear readers, isang “Kabitenyo” pa ang nagtutulak na mabigyan ng nararapat na papuri at pagkilala ang isang “Bulakenyo,” hehehe!

Nakapasa na sa Senado ang SB 670 ni Sen. Bong o ang deklarasyon ng National Press Freedom Day tuwing Agosto 30. Katunayan, nailabas na ito at pag-uusapan na lang sa plenaryo sa ilalim ng Committee Report No. 48 noon pang nakaraang taon.

Ngayon pa lang ay binabati na natin si Sen. Revilla sa kanyang pagpupunyagi at mga tulong sa media.

And yes, si Sen. Bong din, kasama si SP Tito Sotto, ang nagtulak ng panukala sa Senado para sa Media Workers Welfare Act na malapit na ring maging batas.

Kudos at mabuhay ka, Sen. Bong!

AUTHOR PROFILE