Lolit

Kris, source ni Lolit sa isyu ng mayamang admirer

June 19, 2022 Ian F. Fariñas 311 views

SI Kris Aquino pala mismo ang source ng talent manager/showbiz columnist na si Lolit Solis tungkol sa mayamang lalaki na may crush sa kanya.

Hindi sinasadyang mapaamin ni ’Nay Lolit si Kris nang kantiyawan niya ito na kaya siguro nagkakasakit ang huli ay dahil sa kawalan niya ng lovelife.

“Meron, ’no,” raw ang bwelta ni Kris sa kanya.

Sa pakikipagtsikahan sa ilang kaibigan sa press sa face-to-face mediacon ng batang showbiz newbie na si Beaver Magtalas, binanggit ni ’Nay Lolit na “Rico” ang pangalan ng admirer ni Kris at sa letrang “G” nagsisimula ang apelyido nito.

“Ano ’yan, eh, ever since pala may crush na siya kay Kris. Pero ano siya, may asawa siya noon. Pero may crush siya. Anung-ano siya talaga, hangang-hanga siya sa pagiging talkative ni Kris. Tapos, hiwalay na siya ngayon sa dyowa. Financially stable siya. Saka medyo mataas ang posisyon niya du’n sa asosasyon.

“Ano siya talaga, lalo na nitong nagkasakit si Tetay, parang, siguro naaano ’yung ano niya. Type niya pero wa siya type ni Kris, eh. Kasi nu’ng tinanong ko, ‘type mo wala ka pang lovelife,’” sagot daw ni Kris, “ayoko na, ang sama na nga ng katawan ko, ’no,” kwento ni ’Nay Lolit.

Dagdag pa niya, “Siguro wala naman siyang libido ngayon dahil may sakit siya, ’no? Alangan namang elya-elya siya ngayon! Hahaha!”

Nilinaw din ng talent manager/showbiz columnist na hindi siya ang naging tulay para magkakilala ang dalawa.

“Hindi. Talagang palihim pala nag-aanu-ano na sa kanya, ’di ba, nagme-message sa Facebook. May nagbi-bridge na sa kanila. Saka dahil nga mataas na ano du’n sa asosasyon, medyo may mga kakilala… ang iniisip ko nga baka… pero may hitsura naman ’yung guy, baka wala lang talaga siya sa… siguro kung wala siyang sakit, susunggaban niya ’yon, I’m sure! knowing Kris? Knowing Kris?! Hahaha!”

As we all know, nasa Amerika si Kris para sa pagpapagamot ng kanyang autoimmune disease.

Matatagalan pa bago ito makabalik ng Pilipinas.

Samantala, puring-puri naman ni ’Nay Lolit ang 16-year-old na si Beaver dahil bata pa lang, alam na ang gustong gawin sa buhay.

Aniya, “Ang maganda nga, I was telling his parents (Councilor Alvin at Filipina Magtalas) kanina, ang magandang ano kay Beaver, siya, gusto talaga niya showbiz. Hindi kagaya nu’ng panahon ni Gabby (Concepcion, dating alaga niya). ’Yung kay Gabby, ang may gusto lang tatay, eh. Talagang kung ano naiirita si Gabby na ipinapakilala mo sa mga reporter. Si Beaver, ini-enjoy niya.

Mukhang talagang focused siya du’n sa career niya. First pa lang, meron na siyang ano… ano siya, eh, magalang, mabait, ganyan lang. Tama na. Saka maganda katawan niya saka height niya.”

Payo pa ng showbiz veteran sa baguhang aktor-singer, ’wag siyang magpa-buff dahil mas bagay daw sa kabataan nito ngayon ang pagiging lean kesa muscle-muscle na parang call boy.

Siyempre, thankful si Beaver sa suportang tinatanggap, lalo pa nga at first film outing pa lamang niya ang Genius Teens na may premiere night sa June 25 sa SM Megamall Cinema 10 at may world premiere naman sa July 15 sa ktx.ph.

Kwento ni Beaver, na kasalukuyang nasa Star Hunt ng ABS-CBN, sumailalim siya sa tatlong araw na auditions bago nakuha ang karakter niyang si Hopper, isang teenager na may power na mag-teleport.

Medyo challenging daw ang naging audition dahil kinailangan niyang mag-adlib ng sariling mga linya.

Bago mag-audition sa Genius Teens, sumabak na rin si Beaver sa multiple workshops at vlogging.

Ayon sa incoming Grade 11 student na idolo ang KathNiel tandem at wish makapareha si Belle Mariano, na-inspire siyang mag-artista ng kanyang favorite vloggers. Gusto rin daw niyang makapagbigay ng kasiyahan sa maraming tao.

Ngayong malapit nang mapanood ang Genius Teens, super excited and at the same time pressured si Beaver dahil hindi lang Pinoy actors ang nakatrabaho niya rito.

Italyano ang direktor nilang si Paolo Bertola na kasal sa isang Pinay kaya nakakaintindi ng Tagalog. Ang isa naman sa cast members ay ang French-American actor-model na si Tommy Roca.

Si Roca ay naging parte na ng ilang sikat na Hollywood movies tulad ng Star Wars, Assassin’s Creed at maging ng local films gaya ng Cullon.

Taglish umano ang sci-fi-action movie, na originally ay isang six-episode series, at sinimulang kunan sa lugar nina Beaver sa Nueva Ecija bago pa nagpandemya.

Nag-resume lamang sila ng shooting kamakailan kaya medyo malayo na raw ang hitsura nila sa mga eksenang kinunan bago ang Covid-19 pandemic.

Bukod sa Genius Teens, abala na rin si Beaver sa susunod na proyekto, ang drama movie na Tahanan ng mga Pangarap, kung saan makakasama naman niya si Deborah Sun para pa rin sa Utmost Creatives, producer ng Genius Teens.

AUTHOR PROFILE