
Kris ’di natuloy ang pagbalik sa Amerika
Bagama’t nananahimik na naman si Kris Aquino sa social media dahil medyo matagal na ring wala siyang post, tuloy-tuloy pa rin ang pagpapagamot niya sa kanyang sakit.
Sa latest vlog ni Cristy Fermin ay ibinalita niya na mukhang okay naman si Tetay ngayon kahit pa nga nananahimik ito.
Tuloy-tuloy pa rin daw ang gamutan at inaalagaan pa rin ito ng kanyang boyfriend na doktor. Marahil daw ay ayaw munang magpa-stress ni Kris kaya hindi muna ito nagso-social media.
Ibinalita rin ni ’Nay Cristy na dapat pala ay babalik si Kris sa US last December para magsagawa ng comparison sa kanyang medical result pero mabuti na lang at hindi natuloy.
Ipinag-adya nga raw si Kris dahil nagkaroon nga ng wildfire nitong Enero sa Southern California na kumitil ng maraming buhay at tumupok sa libo-libong bahay at establishments.
Malayo naman daw ang bahay ni Kris sa sunog pero tiyak na makakasama sa kalususan nito ang usok kaya’t blessing in disguise na hindi ito natuloy.
Sa huling update ng kaibigan at confidante ni Kris na si Dindo Balares last January 17 ay sinabi niyang nagpahayag ito na gusto nitong pumunta sa Bicol at umakyat ng bundok.
“Wala muna akong direktang kuwento tungkol sa health status ni Krissy, pero siyempre pang mailalarawan sa usapan naming ito na gusto na niyang subukan ang lakas ng kanyang pangangatawan at pumunta sa nature,” sey ni katotong Dindo.
ALEX HUMINGI NG TAWAD KAY MIKEE
Humingi ng tawad si Alex Gonzaga sa kanyang mister na si Mikee Morada sa muling pagkawala ng kanilang baby matapos siyang makunan kamakailan sa ikatlong pagkakataon.
Matatandaang ni-reveal ni Mikee sa vlog ni Toni Gonzaga na nagkaroong muli ng miscarriage ang kanyang misis nitong nakaraang Disyembre lang.
Sa latest vlog sa YouTube na in-upload ni Alex, mapapanood ang intimate celebration niya ng kanyang kaarawan last January 16 kasama ang kanyang pamilya at malalapit na kaibigan.
Bukod sa intimate dinner ay nagsagawa rin siya ng charity event sa Lipa City Hospital noong January 17 at nagbigay ng pagkain at donasyon sa mga bagong panganak na momsies.
Masaya naman si Alex kahit na that time ay katatapos lang niyang makunan.
Sa dulo ng vlog ay ipinakita niya ang ilang clips habang nasa ospital siya para magpa-raspa na usually ay ginagawa after the miscarriage.
Tinapos ni Alex ang vlog sa pamamagitan ng open letter para kay Mikee.
“Dearest Mikee, I’m so sorry again for our loss. The little miracle we had will always stay with us. Let’s keep believing. By God’s grace, we will have the family we have always prayed for. Love, Catherine,” ang written message ni Alex sa asawa.