Kris

Kris, bumubuti ang kalagayan sa Indian doctor

March 23, 2023 Vinia Vivar 305 views

Bumubuti na raw ngayon ang health condition ni Kris Aquino. Ito ang good news na ibinahagi ni Cristy Fermin sa kanyang latest vlog.

“May nagparating po sa amin na isang kaibigan ng balitang natumbok na kung saan nanggagaling ang allergies ni Kris Aquino,” pagbabalita ni ‘Nay Cristy.

At ang dapat pasalamatan sa magandang development na ito sa kalusugan ni Kris ay ang bago niyang Indian doctor na si Dr. Sudhir Gupta na ang espesyalista raw talaga ay tungkol sa allergies and auto-immune disease.

“Ito ‘yung Indian doktor na talaga pong dinarayo ng lahat ng mga mayayaman sa buong mundo,” aniya.

Sobrang husay talaga ng doktor na ito at marami na raw napagaling. Katuwang pa raw nito ang anak na doktor na mahusay din.

Lubhang malaki na nga rin daw ang nagagastos ni Kris dahil almost one year na rin itong nagpapagamot sa US pero hindi naman problema ang pera para sa isang tulad ni Kris.

“Sabi nga ng kaibigan ko, okay na okay na si Kris Aquino ngayon. Hindi na siya tulad ng dati na talagang nanghihina, na marami siyang pekas-pekas at pasa sa buong katawan.

“Naku, eh, dalawa ba naman na magagaling na doktor, espeyalista, mag-ama ang tumitingin sa kanya,” pagbabahagi pa ni Nay Cristy.

Sana nga ay magtuluy-tuloy na ang paggaling ni Kris at nang makauwi na ito sa Pilipinas.

PINIYANSAHAN

Nakalaya na sa wakas si Tindeng (Charo Santos) mula sa pagkakabilanggo pagkatapos siyang piyansahan ng apo niyang si Tanggol (Coco Martin) sa FPJ’s Batang Quiapo, na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Dahil kulang-kulang ang kanyang pera, naging desperado si Tanggol na maka-ipon ng pera na pang piyansa sa kanyang lola kaya napilitan siyang nakawan si Roda (Joel Lamangan), ang mapangabusong landlord na kaaway ni Tindeng kaya ito nakulong.

Nangako na sana si Tanggol sa kanyang sarili na titigilan na niya ang pagnanakaw pero mukhang mahihirapan siyang tuparin ito. Miserableng-miserable na kasi siyang maka-ipon para bigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya ngunit mas lalo lang lumalaki ang hidwaan niya sa mga magulang niyang sina Marites (Cherry Pie Picache) at Rigor (John Estrada).

Samantala, totodohin na ni Ramon (Christopher de Leon), ang totoong ama ni Tanggol, ang paghahanap niya sa nag-iisa niyang anak. Pinapalakas na ni Ramon ang kanyang mga iligal na negosyo dahil plano niya itong ipamana lahat kay Tanggol kapag nag-krus na ang kanilang mga landas.

Napapanood ang FPJ’s Batang Quiapo, gabi-gabi, alas-otso, sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

AUTHOR PROFILE