Posas

Kotong cop arestado sa Mabalacat

September 23, 2023 Bernard Galang 313 views

NAARESTO ang isang pulis na umano’y sangkot sa pangingikil sa asawa ng nakakulong dahil sa droga noong Biyernes sa Mabalacat City, Pampanga.

Kinilala ang pulis na si Randy Maurillo Dinio, kasalukuyang nakatalaga sa Mabalacat police station, ayon kay Police Regional Office-3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr.

Ayon sa biktimang si Mia May Senio, 30, ng Lot 28 Blk 7 Anastacia St., Samsonville, Bgy. Dau, Mabalacat City, Pampanga, naaresto ang kanyang asawa noong Setyembre 7 dahil sa droga at kasalukuyang nakakulong sa Mabalacat City police station.

Aniya, ang suspek ang nakatalaga bilang jail guard nang bisitahin niya ang kanyang asawa sa himpilan ng pulisya.

Sinabi umano ng pulis sa babae na maaaring mapawalang-bisa kapalit ng P70,000 ang kaso laban sa kanyang mister na isinampa sa Angeles Regional Trial Court.

Noong Setyembre 9, sinabi ng babae na binigyan niya umano ang pulis ng P51,000 bilang unang bayad sa transaksyon at ibibigay niya ang huling bayad sa Setyembre 22.

Noong araw na iyon, nagsagawa ng entrapment ang magkasanib na elemento ng Pampanga PIU at ng Mabalacat police sa pamumuno ni Lt. Col. Efren David na nagresulta sa pagkakaaresto kay Dinio.

Nakuha kay Dinio ang marked P15,000 cash, ang .9MM pistol na service gun nito, dalawang cellphone, pitong magkakaibang Identification cards kabilang ang mga ATM, isang itim na wallet, isang power bank at isang sling bag.

AUTHOR PROFILE