Korina na-challenge sa pagiging ‘Pambansang Referee’
… batikang broadcast journalist na-shock nang may magsabunutan sa ere
UMARYA na nga ang batikang broadcast journalist na si Korina Sanchez sa bago niyang papel bilang “Pambansang Referee” sa bagong relaunched na programang “Face To Face: Harapan” sa “Hapon Champion” block ng TV5.
To be fair kay Ate Koring, kering-keri niya ang pagho-host ng tinatawag na “barangay hall on-air,” kung saan dalawang kampo ang naghaharap, nagbabangayan at naglalayong maghanap ng kaukulang solusyon sa samu’t saring isyu.
Sa tindi ng kanyang credentials bilang nirerespetong mamamahayag, marami nga ang nagtaka nang tanggapin ni Korina ang show na unang hinawakan nina Amy Perez, Gelli de Belen at Karla Estrada.
Paliwanag ng misis ni dating Senador Mar Roxas, “Alam mo madalas tanungin sa akin ‘yan. Pinag-iisipan ko pa lang ‘yung project, marami na nagsasabing, ‘tatanggapin mo ‘yan?’ May ganu’n sila, ‘no? Sabi ko, ‘bakit ano bang meron? Ano bang meron sa ‘Face to Face?’ Kasi laman na po ako ng TV, hindi na ako nanonood. Kasi kung manonood pa ako, eh, puro telebisyon na lang ang buong buhay ko. So sinadya ko po talagang hindi manood nu’ng pinag-iisipan ko ‘yung presentasyon ng TV5 team, ‘no?
“And isa sa pangunahing dahilan kung bakit tinanggap ko? Dahil hindi pa ako nakaka-host ng ganitong klase ng programa. So it’s a challenge and I want to inject my own brand into the format.
Ayun. ‘Korina, alam mo ba nagbabakbakan sila d’yan? Kung minsan nagsasabunutan pa.’ May nakita talaga tayo. Medyo na-shock ako doon. Pero the challenge is how do you find a resolution, ‘di ba, na magkakasundo-sundo sila. At the same time, paano ka ba magiging ‘Pambansang Referee’? Para kang naging ‘Pambansang Referee’ rin kasi.
“Now, they kept asking me, ‘but what about your brand? What about your brand?’ Ganu’n sila nang ganu’n. So napaisip tuloy ako. Kasi, Ian, never ko naman inisip, ‘ano bang brand ko?’ Never ko naman inisip basta’t go lang ako nang go. So napaisip ako mula nu’ng panahon ng ‘Magandang Umaga Po’ hanggang ‘Hoy, Gising!’ hanggang ‘Balitang K’ hanggang ‘Kayo ang Humatol,’ kung natatandaan mo, hanggang ‘Rated K’ hanggang ‘TV Patrol,’ pagre-reporter araw-araw, my brand is masa.
“Ang brand ko talaga ay malapit sa ordinaryong tao. Siyempre alam n’yo rin, buhay pa naman ang ‘Rated Korina,’ talagang kwentong buhay talaga ang aking forte. ‘Yun na nga lang, ‘eto, live ko na sila maririnig. Ayun. So kaya ko naisip umoo kasi ito naman talaga ang Korina na kilala ng lahat. ’Yung malapit sa ordinaryong tao. So, there,” patuloy pa ni Ate Koring.
Maigi nga raw at ngayon dumating ang pagkakataong ito dahil kung inalok ito sa kanya noong 30 years old pa lang siya, eh, baka pumagitna pa siya sa mga kampong nagbabakbakan.
Mas mahinahon na umano si Korina ngayon, hindi naninigaw o nagpapaka-bruha at ipinauubaya na sa dalawang bouncers ng show ang pagkakagulo ng guest complainants.
Pero, inamin niya na na-shock siya nang minsang may magsabunutan sa isang episode.
“Para akong ano, para akong si Ate Koring, ganu’n. Ganu’n ’yung persona. Ang tawag nila sa akin, ‘Ate Koring.’ Bakit? Eh, ‘yan naman talaga ang tawag sa akin sa ABS-CBN noon ng lahat ng aking katrabaho. So gawin na nating opisyal,” dagdag pa niya.
So far, anim na episodes na ang nate-tape niya kasama ang “Face to Face: Harapan” team na sina Bro. Jun “Dr. Love” Banaag, Dra. Camille, Atty. Lorna Kapunan at Donita Nose.
Sa anim na ‘yon, puring-puri si Korina ng mga kasamahan. Para kay Bro. Jun, achievement ang makatrabaho si Ate Koring. Na-starstruck naman sa kanya si Donita Nose. Si Dra. Camille, bilib sa husay magpayo ni Korina kahit walang kodigo o teleprompter.
Reynang-reyna nga ang tingin ng marami kay Korina, pero kung siya ang tatanungin, mas bet niyang tawagin siyang “alipin” sa dami ng shows na nilalagare niya lately.
“I don’t know about reyna, nakakatakot ang sinasabing reyna, ‘no? Sabihin na lang nating ako ang alipin. Alipin ng industriya. Kasi mula umaga hanggang gabi ay nariyan pa rin ako and that is a very big blessing. It’s an honor. It’s a blessing. Nandito pa rin tayo at nakakatulong pa rin tayo sa tao,” katwiran niya.
Anyway, ang “Face to Face: Harapan” ay produksyon ng MQuest Ventures at Cignal TV. Napapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes, 4 p.m., sa TV5 at 9 p.m. sa One PH.