Korean na’tl na tumakas sa sariling bansa, tiklo sa P’que

December 13, 2022 Edd Reyes 115 views

DINAKIP ng mga awtoridad ang isang Korean national na “wanted” diumano sa kanilang bansa habang naglilibang sa isang bantog na resort and casino Lunes ng hapon sa Parañaque City.

Kasama ng mga tauhan ng District Special Operation Unit ng Southern Police District (SPD-DSOU) ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng National Capital Region (CIDG-NCR) at mga kapwa nila awtoridad mula sa South Korea nang dakpin ang akusadong si Kim Mihngyu, 39 sa loob ng Solaire Resort and Casino sa Entertainment City, Aseana Avenue, Bgy. Tambo dakong alas-5:45 ng hapon.

Sa ulat na isinumite ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Kirby John Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Maj. Gen. Jonnel Estomo, inaresto ang dayuhan sa bisa ng inilabas na warrant of arrest ng Seoul Central District Court na may petsang Disyembre 23, 2020 dahil sa kasong robbery by hostage na isang paglabag sa Article 336 ng Criminal Act of the Republic of Korea.

Batay sa rekord na natanggap ni Kraft, nakipagsabwatan ang takas na Koreano sa lima pang akusado nang dukutin at gawing hostage ang isa nilang kababayang Koreano para kikilan ng P185 million Korean won at iba pang mamahaling gamit.

Matapos isagawa ang krimen, nagtungo sa Pilipinas si Kim upang magtago hanggang matunton siya ng mga awtoridad na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Pansamantala munang idinitine sa detention facility ng Bureau of Immigration sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang akusadong Koreano habang hinihintay pa ang mga dokumento para sa pagpapatapon sa kanya pabalik ng kanilang bansa.

AUTHOR PROFILE