Kontrobersyal na panukala ni Bello

July 11, 2021 Vic Reyes 404 views

Vic ReyesSA tingin natin ay tatakbo sa pagka-senador si Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello lll.

Bakit ika niyo?

Akalain ba naman ninyong ilutang niya ang ideyang alisin na ang bar at iba pang licensure examinations.

Sigurado nating kakagatin ng marami ang kanyang ideya.

Lalo na ang mga hindi makapasa sa Bar at iba pang licensure exams.

Ang problema lang ni Bello, marami ring bumatikos sa kanyang kontrobersyal na panukala.

Tama naman si Bello na ang pagkuha ng licensure exams ay dagdag gastos lang.

Pagkatapos kasi ng graduation ay kailangan pang mag-enroll ka sa isang review center.

Mahal din ang bayad sa mga review center.

Okay lang sigurong alisin ang licensure exams sa ibang propesyon.

Pero hindi ang mga gustong maging abogado, doktor, nars, inhenyero at arkitekto.

Kailangang pumasa sa board exam ang mga inhenyero at arkitekto para makaiwas sa sakuna.

Ayaw naman nating magbagsakan ang mga bahay, gusali at iba pang istraktura.

Dapat pasado rin sa board exam ang mga doktor at nars dahil buhay at kalusugan ng tao ang pinag-uusapan dito.

Maraming susuporta kay Bello sa kanyang panukala pero asahan nang isang damakmak na batikos ang ibabato sa kanya.

Tama ba, Sen. Bong Go?

***

Mahigit 109 milyon na pala ang populasyon ng Pilipinas.

Ito ay nagpapakita nang mabilis na lumobo ang populasyon ng bansa.

Noong 2015 ay 100,981,437 lang ang populasyon.

Ngunit hanggang Mayo 2020 ay umabot na sa 109,035,343 ang bilang ng mga Pinoy.

8.05 milyon ang nadagdag sa populasyön mula 2015 hanggang Mayo 2020.

Dagdag populasyon means dagdag gastos sa gobyerno.

Ang masakit nito, ubos na ang pera ni Juan dela Cruz dahil sa COVID-19.b

Masakit talaga sa ulo!

***

Mabuti na lang alerto ang mga taga-Bureau of Customs at DENR sa NAIA.

Nabuko nila ang tangkang pagpuslit ng “carnivorous plants” sa bansa.

Galing Netherlands, ang mga tanim ay nakita sa PairCargo Warehouse sa Pasay City.

Ang mga halaman na kumakain ng mga insekto ay walang mga sanitary and phytosanitary import clearance mula sa DENR.

Ayon sa DENR “carnivorous plants have already been declared as critically endangered and among the world’s rarest.”

Ang mga kumpiskadong tanim ay isinalin na ng BoC sa pag-iingat ng DENR.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE