Default Thumbnail

Konsuholtant’

February 3, 2023 Allan L. Encarnacion 739 views

Allan EncarnacionSINO itong isang dating nakauniporme na ginawang consultant ng isang ahensiya ng pamahalaan pero ang asta ay parang bangaw na nakatungtong sa kalabaw?

Ayon sa mga reklamong ating tinatanggap, pilit silang hinihingian ng quota ng consultant na ito para raw hindi sila maalis sa puwesto.

Nagpatawag umano ng pulong si ‘konsuholtant” sa lahat ng mga opisyal sa iba’t ibang panig ng bansa para lang sabihan na maghanda ng mga “proyekto” at ng mga pagkakakitaan para sa kanyang boss.

Ngayon lang daw sila nakakita ng consultant na may blanket authority para mag-preside ng meeting, mag-atas ng mga direktiba at magtakda ng mga “suhol” para sa kanilang amo.

Sa pamamagitan ng ating kolum ay nanawagan sila kay Pangulong Marcos para paimbestigahan ang amo at ang consultant sa kanilang ginagawang pamiminsala sa ahensiya.

Demoralisado ngayon ang hanay ng mga opisyal sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa pambabraso ni consultant sa kanila.

Consultant, bumusina ka naman marami ka nang nasasagasaan!

Ang tanong, may lisensiya kaya si consultant mula sa kanyang amo na isa ring bano at kalahati kung magpatakbo ng ahensiya?

***

May bago palang memorandum si DOTr Secretary Jaime Bautista na nag-aatas na ang lahat ng proyekto ng mga line agency sa kanyang departamento na P50 million pataas ay sa central office na magmumula ang bidding at procurement process?

Ang mga ahensiyang nasa ilalim ng DOTr ay ang LTFRB, LTO, Toll Regulatory Board, PNR, MRT, LRT, Philippine Railway Institute, CAAP, NAIA, MIAA, Marina, Philippine Ports Authority, Office of Transportation Offce.

Ang problema sa sistemang gustong mangyari ni Secretary Bautista, mas lalo nitong patatagalin ang proseso sa pagbili at pagpapatupad ng mga proyekto ng mga ahensiya.

Kaya nga nagkaroon ng kanya-kanyang hepe ang mga ahensiyang ito ay para magkaroon ng indepensiya sa mga desisyon kung paano aayusin ang tanggapan.

May mga nauna nang kalihim ang gumawa ng ganitong sistema sa mga nakaraang administrasyon pero hindi naging epektibo.

***

Congratulations kay Congressman Rex Gatchalian na nahirang bilang bagong DSWD Secretary.

Umaasa tayong magkakaroon ng bagong mukha ang lahat ng programa ng DSWD sa ilalim ng liderato ni Secretary Gatchalian na isang matinong pulitiko.

Si Secretary Rex ang isa sa mga arkitekto ng pagsasaayos ng Valenzuela City na mula sa pagiging tapunan ng salvage victim, sentro ng baha, basura at krimen ay maituturing na ngayon bilang progresibong lungsod.

Manang-mana lang si Rex sa kuya niyang si Senador Sherwin na naging alkalde rin ng Valenzuela at pinakaunang gumawa ng mga inisyatibo para ayusin ang lungsod.

[email protected]