Default Thumbnail

Klase sa ilang lugar sa Ilocos sinuspinde dahil sa ‘Habagat’

June 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 143 views

DAHIL sa walang tigil na pagbuhos ng ulan bunga ng hanging “Habagat” sa Northern Luzon, sinuspinde ang klase sa ilang lugar sa Ilocos Norte at Ilocos Sur nitong Martes, Hunyo 13, 2023.

Iniutos ni Solsona Mayor Joseph de Lara at Pagudpud Mayor Rafael Benemerito ang pagsuspinde ng klase mula pre-school hanggang secondary school sa pribado at pampublikong paaralan sa kanilang probinsya.

Sinabi ng mga alkalde na lubhang mapanganib umano ang ganitong sama ng panahon sa mga estudyante na papasok sa kanilang paaralan lalo pa ang iba ay kailangan pang tumawid sa ilog habang ang iba naman ay nakatira pa sa mga landslide-prone areas.

Sinuspinde rin ng local government ng Vigan ang klase sa lahat ng levels sa kanilang lugar nitong Martes ng umaga.

Batay sa ulat, simula Martes ng umaga ay nakaranas na ng walang tigil na pag-ulan ang Ilocos Region.

Kaugnay nito, agad namang binalaan ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) ang mga residenteng naninirahan sa mababang lugar na maging alerto partikular na ang mga nakatira malapit sa mga ilog sa Bulu, Banban, Bacarra, Vintar, Laoag, at Quiaoit sa Ilocos Norte, gayundin sa Abra, Silay-Sta Mari,a at Buaya sa Ilocos Sur.

“The public is advised to take precautionary measures, especially those living in the mountain slopes and low-lying areas,” babala pa ng PAGASA.