Kita ng QC gasolinahan nilimas ng 2 holdaper

November 28, 2021 Melnie Ragasa-limena 110 views

TINANGAY ng dalawang nakamotorsiklo na holdaper ang kinita sa buong maghapon ng isang gasoline station sa Quezon City, ayon sa ulat nitong Sabado.

Sa report ng Holy Spirit Police Station 14 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 8:30 ng gabi (November 25), ng maganap ang insidente sa Petron Gas Station na matatagpuan sa Abenojar St., kanto ng Central Ave. Brgy. New Era,Q.C.

Natangay ng mga holdaper ang P 60,000 cash at isang unit Station Phone Oppo na nagkakahalaga ng P5,000.

Batay sa imbestigayon ni PSSg Renato S Centeno, ida-drop na umano ng supervisor ng Petron na si Realyn Lorica, ang kanilang kita sa maghapon nang biglang sumulpot ang dalawang di kilalang lalaki na magka-angkas sa kulay dilaw ng Yamaha Mio.

Agad na tinutukan ng baril ang supervisor saka nagpahayag ng holdap at mabilis na nilimas ang nasabing halaga, maging ang cellphone ng biktima.

Matapos ay mabilis na pinaharurot ng mga suspek ang dala nilang motorsiklo at tumakas sa di batid na direksiyon.