Araneta

Kisame ng Araneta Coliseum umusok

April 20, 2022 Melnie Ragasa-limena 99 views

NAKANSELA ang Game 6 ng Governors’ Cup Finals sa pagitan ng mga koponang Barangay Ginebra at Meralco makaraang umusok ang kisame ng Araneta Coliseum, South Gate Bgy. Socorro, Cubao, Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.

Sa inisyal na report ni Senior Inspector Nerica M. Macana ng Quezon City Fire District (QCFD), bandang 11:49 ng umaga, Abril 20 nang umusok ang kisame at mabilis na kumalat sa playing area ng “Big Dome” kaya naman agad na pinalabas ang mga nanoonod at maging ang mga basketbolista.

Agad namang naapula ang apoy bandang 1:30 ng hapon at wala namang napaulat na nasugatan.

Patuloy pang inaalam ng arson investigators ang sanhi ng apoy mula sa kisame ng Big Dome.

Miyerkules sana ng gabi ang nakatakdang paghaharap ng nasabing koponan upang paglabanan ang kampeyonato sa PBA Governor’s cup.