Kinulong dahil mayabang

May 22, 2021 Edd Reyes 101 views

KALABOSO ang isang electrician na nagyabang sa kainuman na miyembro siya ng Philippine National Police (PNP) matapos ipakilala sa isang tunay na pulis na nagkataong kumakain sa canteen na kanilang pinag-iinuman Sabado ng madaling araw sa Malabon city.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Joel Villanueva, ipinagmalaki ni Arvin Busa, 26 ng Blk 9 Lot 31, Brgy. Tañong kay Alberto Perez, Jr. traffic enforcer, at sa kagawad ng barangay na si Anthony Patola, 34 ng Brgy. Concepcion na isa siyang tauhan ng PNP habang nag-iinuman sa isang canteen sa Gulayan St., Brgy. Concepcion dakong alas-3 ng madaling araw.

Nagkataong kumakain noon sa naturang canteen si Pat. Allan Roquite, 31, nakatalaga sa Personnel Accounting Information System (PAIS) sa Camp Crame na kakilala ni Kagawad Patola kaya’t ipinakilala niya rito si Busa.

Nang suriin ni Roquite sa listahan ng PAIS ang pangalan ni Busa, natiyak niyang hindi miyembro ng PNP ang suspek kaya’t nakipag-koordinasyon siya kay Malabon Police Sub-Station 6 chief Ric Delos Angeles na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Dinala nina Lt. Delos Angeles si Busa sa tanggapan ng Station Investigation Division bago siya iprinisinta sa piskalya ng Malabon para harapin ang kasong Usurpation of Authority.

AUTHOR PROFILE