Default Thumbnail

Kinukuhang mga opisyal ni PBBM mapagkakatiwalaan

June 8, 2022 Vic Reyes 217 views

Vic ReyesMaraming lingkod-bayan ang kinakabahan dahil malapit ng magsimula ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ng Ilocos Norte.

Pero ang talagang takot ay ang mga abusado, tamad, bastos, mapagsamantala at iba pang walang kwentang government officials at employees sa buong bansa.

Dapat na nga silang mag-alala dahil sa katanghaliang tapat na ng Hunyo 30, ay uupo na si Pangulong Marcos at iba pang bagong halal na opisyal ng gobyerno.

Pero sa tinaguriang “snake-infested” na waterfront o aduana, hindi lang mga lingkod-bayan ang kinakabahan sa pag-alis ng kasalukuyang administrasyon.

Problemado na rin ngayon ang mga tinaguriang mga masusuwerteng “anak ng diyos” na importador at customs broker.

Ang natutuwa naman ay ang mga kawawang small-time na importer at broker na madalas ay nagtitiyaga sa maliit na kinikita dahil sa kagagawan ng ilang “naghahariharian” na may bendisyon ng matataas na opisyal ng pamahalaan.

Alam nilang bubuti na ang kanilang kalagayan sa pagpasok ng bagong administrasyon.

Sa tingin nila ay siguradong `magiging patas ang competition sa pantalan dahil hindi papayag si PBBM na mabahiran ng kalokohan ang serbisyo sa “waterfront community.”

Naniniwala tayo na ipakikita ng bagong administrasyon na maayos na magpatakbo ng gobyerno ang isang Marcos taliwas sa sinasabi ng ilang kritiko.

Dapat lang para mawala na o mabawasan pa ang mga kalokohan sa gobyerno.

***

Hindi na coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngayon ang mainit na pinag-uusapan sa buong bansa.

Oo nandiyan pa rin ang COVID-19, pero ang “pandemya” ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng pagkain, ang kinatatakutan ng taumbayan.

Hindi nga sila mamamatay sa sakit pero mamamatay naman sila sa gutom dahil sa sobrang taas na ng presyo ng mga bilihin, pati na ang basic necessities.

Bakit kaya nangyayari ito habang papalapit na ang pagpasok ng anim na taong administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.?

Ang sama naman ng pasalubong sa anak ni yumaong Presidente Ferdinand Edralin Marcos.

Pero naniniwala tayo na handa naman si PBBM, na harapin ang mga susulpot na problema.

Ang maganda kay Pangulong BBM ay magagaling, mapagkakatiwalaan at matitinong tao ang kanyang kinukuha para tulungan siyang magpatakbo sa gobyerno.

Kagaya ng kanyang namayapang amang si Ferdie, si Bongbong ay isang lider na walang iniisip kundi ang kapakanan ng bansang Pilipinas at taumbayan.

Sa tingin natin ay gusto ni Pangulong Marcos na pagkaisahin ang mga Pinoy.

Tama naman dahil kung wala tayong pagkakaisa ay walang mangyayari sa atin sa dami ng ating mga problema.

***

Mabuti na lang at hindi talaga tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19, lalo na sa Metro Manila (MM), na pangunahing rehiyon ng bansa.

Malaki ang nagastos para makontrol ang nakamamatay na coronavirus disease na galing pa ng bansang Tsina.

Ubos nga ang pera ng gobyerno pero nagawa naman nating iligtas ang maraming buhay sa pamamagitan ng pagbili ng mga bakuna at at iba pang gamit sa paglaban sa virus.

Ang kailangan lang ngayon ay sumunod tayo sa mga health at safety protocol na ipinapatupad ng mga ororidad.

Kahit nakontrol na natin ang COVID-19 ay huwag pa rin tayong titigil sa pag-iingat dahil nandiyan pa rin ang virus na nagpapahirap pa rin sa iba’t ibang parte ng mundo.

Lagi pa rin tayong magsuot ng maskara at sumunod sa social distancing policy ng gobyerno.

Regular pa rin tayong maghugas ng kamay para masigurong matanggal ang mga virus na nakukuha natin sa labas ng bahay.

Mahalangang magpabakuna laban sa COVID-19 at iba pang nakakamatay at nakakahawang sakit.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE