Jelai

King Badger, sumuko at nagbayad ng piyansa

March 10, 2022 Vinia Vivar 3437 views

Sumuko sa QC Regional Trial Court ang vlogger na si Jon Gutierrez, alyas King Badger, nitong nakaraang linggo kaugnay sa kaliwat-kanang kaso ng concubinage at Violence Against Women (and Children) na inihain laban sa kaniya ng aktres at dating asawa na si Jelai Andres.

Agad namang sumuko si King Badger at nagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Matatandaang idinemanda ni Jelai si King Badger noong nakaraang taon dahil sa pakiki-apid kay Juliennes Vitug, a.k.a. Yumi Garcia, na noon ay isang menor de edad.

Sa kasalukuyan ay nasa hustong edad na si Yumi upang panagutan ang kanyang pagkakasala at mapatawan ng kaukulang kaparusahan ng naaayon sa batas.

Ang sabi ni Jelai noong nakaraang taon sa kanyang interbyu noong panahong inihain niya ang kasong concubinage sa dalawa, “Ang kasal ay isang sakramento, ‘wag nating gawing normal ang pakiki-apid. Nawa’y maging isang leksyon ito sa mga may mister na pasaway at sa mga babaing walang pakundangan makipagrelasyon sa mga lalaking alam naman nilang may asawa.”

Ayon sa abugado ni Jelai na si Attorney Faye Singson, “Nararapat lamang lang na makamit ni Jelai ang hustisya’t katarungan, sapagkat hindi naging madali ang pinagdaanan niya. Tunay ngang siya ay nahirapan, at matinding trauma ang naranasan niya dahil sa sakit na dulot ng pagtataksil nina King Badger at Yumi.”

SUPORTADO NG KAPATID NA SINGER

Nakababatang kapatid ng singer sa Japan na si Marlene dela Peña ang independent senatorial candidate na si Ariel Lim.

Siyempre, kahit nasa Japan si Marlene, suportado niya ang kandidatura ng kapatid.

Nangangampanya raw ito ngayon via social media at gumagastos din in her own way.

Pero ang talaga raw malaking suporta ng kanyang ate ay ang laging pagpapaalala sa kanya na huwag maging corrupt.

“Lagi po niyang sinasabi sa akin, ‘lumaki tayo nang maayos, hindi tayo pinalaki ng magulang natin sa panloloko.’ Kaya ipinagmamalaki ko po talaga na ang pamilya po namin ay wala po talagang kahit anong issue tungkol sa pera,” pahayag ni Ariel sa tsikahan with the entertainment press kamakailan.

Tinaguriang Mr. Transport si Ariel dahil nag-umpisa siya bilang isang tricycle driver, na naging national leader at opisyal ng gobyerno.

Dahil independent candidate, aminado siyang financially challenging talaga para sa kanya ang pagtakbo. Pero thankful naman siya dahil maraming sumusuporta sa kanya at tinutulungan siya.

Bukod kay Marlene, suportado rin si Ariel ng ibang transport group, gayundin ni Mrs. Universe Australia 2022 Chriz Zie na kasama niya nang humarap sa entertainment press.

“Naniniwala ako na ang boboto ay hindi ang pera kundi ang tao. ‘Yun ang challenges sa amin kung paano maipararating sa hanay ng mga kasamahang driver, mananakay, sa lahat, na tumatakbo tayo kahit wala kaming pera.

“Gusto ko po kasing baguhin ang sistema ng pulitika. Nangyari po sa atin na ang pera ang umiiral ngayon. Na para manalo ka, eh, kailangan may pera ka. Talagang totoo na kailangan natin ng pera pero hindi po na dapat maging dahilan na ang pera ang gagamitin natin para tayo manalo dahil kung hindi po, hindi matitigil ang korapsiyon sa Pilipinas,” pahayag ni Ariel, na no. 41 sa balota.

AUTHOR PROFILE