Taguig City

KINATIGAN

August 20, 2023 People's Tonight 111 views

Makati-Taguig turf war ‘di ejectment case, writ of execution hindi kailangan

KINATIGAN ni dating Press Secretary Trixie Cruz Angeles ang posisyon ng Taguig City na hindi kailangan ang writ of execution para ma-implement ang takeover ng Taguig sa EMBO barangays, sa basehang hindi ejectment case ang kaso at malinaw ang desisyon ng Korte Suprema na turnover ang dapat na gawin.

Sa kaniyang vlog post na Luminous ay hinimay ni Angeles ang usapin ng turf war sa pagitan ng dalawang lungsod.

Ipinaliwanag ni Angeles na kung titignan ang 53-pahinang desisyon ng Supreme Court (SC) sa nasabing kaso ay walang basehan ang argumento ng Makati na magkaroon muna ng transition period.

Aniya, “stop exercising jurisdiction” ang malinaw na utos ng hukuman kaya turnover ng hurisdiksyon ang dapat na gawin ng alkalde.

Tinuring din ni Angeles na walang legal basis ang nakuhang opinyon ng Makati City mula sa Office of Court Administrator (OCA) na nagsasabing kailangan muna ng writ of execution.

“Opinyon lang ang inilabas ng OCA, ang pinanghahawakan ng Taguig ay malinaw na desisyon ng Supreme Court,” pahayag ni Angeles.

Aniya, ang writ of execution ay sa ejectment case. Halimbawa, mayroong umuupa sa isang property na gustong paalisin ng may-ari. Kahit mayroon ng desisyon at nanalo sa hukuman, kailangan pa rin ng writ of execution para mapaalis ang nakatira sa property.

Giit ni Angeles, hindi ejectment case ang Taguig-Makati row.

Ipinaliwanag niya na “stop exercising jurisdiction” agad ang desisyon ng SC sa territorial dispute dahil sa umpisa pa lamang ng kaso ay mayroon nang ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ang Pasig City Regional Trial Court (RTC).

Sa desisyon noong July 8, 2011, ni RTC Pasig City Branch 153 President Judge Briccio Ygaña, pinaboran nito ang Taguig sa inihaing Civil Case No. 63896 na Judicial Confirmation of the Territory and Boundary Limits of Taguig.

Iniutos ng RTC na ang Fort Bonifacio Military Reservation kabilang ang Parcels 3 at 4, Psu-2031 ay kumpirmadong bahagi ng teritoryo ng Taguig.

Nakapaloob sa desisyon na permanente ang ipinalabas na writ of preliminary injunction noong 1994 at nakasaad dito na “Enjoining defendant Municipality, now City of Makati, from exercising jurisdiction over, making improvements on, or otherwise treating as part of its territory, Parcels 3 and 4, Psu-2031 comprising Fort Bonifacio.”

Ayon kay Angeles, noong 1994 pa ay dapat hindi na nag-exercise ng jurisdiction ang Makati sa mga EMBO barangay dahil mayroon ng TRO sa umpisa pa lamang ng litigasyon ng kaso. Kaya sa naging desisyon ng SC noong 2022, ang kautusan nito ay turnover ng jurisdiction matapos manalo ng Taguig.

“Dahil nga may TRO ang utos ng korte sa Makati ay huwag n’yong pakialaman ang area habang may litigation. Sa umpisa pa lang ay nasa default na ang Taguig dahil kung tutuusin ay mayroon silang jurisdiction din sa EMBO barangay umpisa pa lang. May upper hand ang Taguig dahil una panalo sila sa kaso, pangalawa ang simple ng SC ruling, everything has to be turned over to Taguig,” ani Angeles.

Dagdag pa nito na kung may kuwestiyon ang Makati ukol naman sa mga gusali na kanilang pagmamay-ari gaya ng school buildings, ospital at iba pa, ay maaari itong dumulog sa SC sa pamamagitan ng isang clarificatory petition subalit pagdating sa kung sino ang nagmamay-ari ng teritoryo ay malinaw na ito ay saTaguig.

“Sa mga property maaari siguro na may compensation subalit ang Makati ang siyang dapat na makipag-ugnayan sa Taguig para sa arrangement. Gaya ng Ospital ng Makati at University of Makati, maaaring ang Makati ang siyang magbabayad ng upa dahil nakatirik ang gusali sa lupa na pagmamay-ari ng Taguig,” ani Angeles.

AUTHOR PROFILE