Crime

”KINATAY KO NA BF MO!’

September 6, 2023 Edd Reyes 473 views

Killer tinext gf ng pinaslang gamit cp ng bangkay

NAGSASAGAWA na ng malalimang pagsisiyasat ang pulisya sa nangyaring pagpatay sa 20-anyos na lalaki na tinadtad ng bala sa Malabon City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, naganap ang insidente ng pagpaslang kay Daniel Gaudia Soria nitong Sabado ng gabi, Setyembre 2, sa kahabaan ng Lapu-Lapu Avenue sa Barangay Longos.

Napag-alaman na bago naganap ang pagpaslang, magkasama ang biktima at pinsan ng kanyang live-in partner na nakilalang si Reynaldo Bolivar sa pagpunta sa kanilang mga kaibigan upang makipag-inuman.

Magkasama ring umuwi ang dalawa, sakay ng isang tricycle pasado alas-10 ng gabi, subalit pababa na sa tricycle si Soria sa Lapu-Lapu Avenue nang lapitan ng hindi pa kilalang salarin at kaagad na pinutukan na tumama sa hita.

Nagawa pang makatakbo ni Soria subalit nadapa rin sa hindi kalayuan sanhi ng tinamong tama ng bala at dito na siya pinaputukang muli ng anim na beses ng salarin.

Kinuha pa ng suspek ang cellular phone ng biktima at ginamit ito sa pagte-text sa kanyang live-in partner pasado alas-11 ng gabi upang ipabatid na patay na ang kanyang kinakasama.

Sa impormasyong nakuha sa kalive-in ng biktima, ang kanyang pinsang si Bolivar umano ang pangunahing suspek sa nangyaring pamamaril noong Agosto 2 sa Navotas City at siyang target umano ng pagtugis na isinagawa ng Navotas police na nagresulta sa pagkakapaslang kay Jemboy Baltazar matapos na mapagkamalan lamang.

Sa text message naman na ipinadala ni Baybayan, wala pa umano silang ganitong impormasyon at wala ring koneksiyon ang nangyaring pamamaslang kay Soria sa pagkakapatay kay Jemboy.

Hinahanap na rin ng pulisya si Bolivar upang pagpaliwanagin sa nangyaring krimen.

AUTHOR PROFILE