Kinalawit ni Kamatayan

September 11, 2022 Edd Reyes 125 views

MAAGANG kinalawit ni Kamatayan ang isang 22-anyos na binata matapos salpukin ng trak na minamaneho ng kapangalan ng sikat na basketbolistang si Jayson Castro ang kanyang motorsiklo Sabado ng gabi sa Caloocan City.

Isinugod pa sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Mark Julius Pasague, residente ng Block 9D Lot 29, Phase 2 Dagat-dagatan Kaunlaran Village, Brgy. Longos, Malabon City subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Nadakip naman ng pulisya ang 36-anyos na si Castro, residente ng San Vicente, Sto Tomas, Pampanga na siyang driver ng Hino tractor head na may plakang CAW-6649 na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya ng Caloocan City.

Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Anthony Gudgad ng Caloocan South Traffic Investigation and Detective Management Section na isinumite sa tanggaapan ni P/Lt. Col. Ilustre Mendoza, Acting City Police chief ng lungsod, parehong tinatahak ng Yamaha Mio motorcycle na minamaneho ni Pasague at ng Tractor Head and kahabaan ng C-3 Road patungo sa direksiyon ng Dagat-dagatan dakong alas-8:20 ng gabi kung saan nasa unahan ng trak ang biktima.

Pagsapit sa kanto ng Torcillo Street, Brgy. 28, sinalpok ng trak ang hulihang bahagi ng motorsiklo at kinaladkad pa ng ilang metro na naging dahilan upang tumilapon ang biktima at magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

AUTHOR PROFILE