Kim Kim Chiu

Kim itinangging may kaugnayan ang sinabi sa pagkaaresto kay Duterte

March 14, 2025 Eugene E. Asis 174 views
Duterte
Dating Pangulong Rodrigo Duterte

PAGKATAPOS pabulaanan ng main host ng “It’s Showtime” na si Vice Ganda ang kumakalat na quote card sa social media kung saan pinupuri si dating Pangulong Rodrigo Duterte at sabihin ng komedyante na “FAKE NEWS!” ito, si Kim Chiu naman ang napagtripan ng netizens.

Bigla kasing naikonek ng isang netizen ang binasang spiel ni Kim sa “It’s Showtime” sa pagkakaaresto kay Duterte sa episode ng noontime show kung saan isa ang Chinita Princess sa nagbasa ng kanilang opening message.

Bigay na bigay ang spiel ng dalaga. “Para naman sa mga feeling nila ay hindi pa dumarating ang tamang panahon para sa kanila, ang masasabi namin deserve…” ani Kim. Ang salitang DESERVE ay kaagad sinundan ng hiyawan at palakpakan ng studio audience.

Mabilis na nagpatuloy ni Kim: “Wait, ‘di pa ako tapos…deserve niyong rumesbak sa buhay!” Na ang tinutukoy pala ay ang segment nilang “Tawag ng Tanghalan: All-Star Grand Resbak 2025.”

Agad-agad, isang netizen ang nag-post sa social media at inakusahan si Kim na nagsabing deserve daw ni Duterte ang maaresto at makulong.

Nakarating ito sa aktres at TV host, at agad pinabulaanan ang sinabi ng nag-post. “Hala nakakaloka! Bat ako nasali dyan?! Like O to the M to the G!” ang post ni Kim sa kanyang X account kalakip ang screenshot ng post ng netizen.

Susog pa ni Kim, “Hoy! Kaloka kayo. Binasa ko lang yung script namin na spiels. Kayo talaga! GV GV lang tayo. Spread kindness and good vibes.

“Busy ako sa ibang bagay. Diyos ko, ‘wag niyo ‘ko isali sa ganyan. Parang awa niyo na. Ang gulo na po ng mundong ibabaw. ‘Wag na tayo dumagdag,” sabi pa ng dalaga.

At para patunayan pa, ibinahagi ng aktres sa kanyang Facebook page ang kopya ng kanilang script sa “It’s Showtime” na binasa niya sa programa.

“Please read full context bago maniwala sa FAKE NEWS na pinapakalat dito sa Facebook.

“Sir, wag po kayo mandamay sa nanahimik na tao. May God bless you and your family and your peace of mind,” pakiusap pa ni Kim sa netizen.

AUTHOR PROFILE