Kim

Kim at Jerald engaged na

August 12, 2024 Vinia Vivar 125 views

Engaged na ang long-time celebrity couple na sina Jerald Napoles at Kim Molina matapos sagutin ng ‘yes’ ng aktres ang proposal ng boyfriend nitong August 11.

Naganap ang marriage proposal ni Jerald sa PETA Theater kung saan sila unang nagkakilala ni Kim.

Sa video na in-upload ng Nice Print Photography sa TikTok, halatang walang kaalam-alam si Kim sa proposal. Pagpasok niya sa PETA Theater Center ay nagulat siya nang makitang punung-puno ng bulaklak at ilaw ang paligid habang maririnig ang pagtugtog ng saxophone.

Mas lalo siyang nagulat nang nakita niya ang LED signage na “WILL YOU MARRY ME?” Napaiyak na si Kim at this point at maya-maya ay lumabas na si Jerald.

“Sabi mo pictorial,” umiiyak na sabi ni Kim kay Jerald.

Inalu-alo naman ng aktor ang GF at pina-relax bago sinimulan ang proposal.

Pinaalala niya muna kay Kim na sa mismong stage na iyon sila unang nagkakilala 10 years ago. Nag-duet daw agad sila kahit hindi pa sila nag-uusap.

“Pasensiya na, sampung taon ang inabot. Pinahinog lang siguro ng panahon. Marami rin tayong challenges kaya hindi rin matuluy-tuloy. I’ve been planning to do this last year. Supposedly, I’m gonna do it on your birthday, but due to circumstances, hindi natuloy.

“And then planned on doing this also on Christmas as a Christmas gift for you,” sabi ni Jerald

“I was planning to do this also sa Coldplay concert kaso nagka-LBM ka, so hindi rin natuloy,” aniya pa.

Ang final plan daw ay sa Europe kung natuloy sila. Mas intimate raw sana kung sakali pero baka raw talaga dito sila dinala kung saan sila nagsimula.

“Maraming, maraming salamat sa lahat ng pagmamahal na ibinigay mo, at maraming salamat sa pagpunta sa birthday ko. Hindi, joke lang,” pagbibiro ni Jerald.

“Maraming, maraming salamat sa pagsama sa akin sa loob ng sampung taon at sana madagdagan pa,” aniya.

Pagkatapos nito ay makikitang lumuhod na si Jerald at pormal na hiningi ang kamay ng nobya. “Kim, will you be my penguin and will you marry me?” he asked.

Iyak nang iyak si Kim and the next thing ay isinuot na ni Jerald ang ring saka sila nagyakap na dalawa.

Sa Instagram post ni Kim kahapon ng umaga, aniya, “Back to where we first met, the exact spot where it all started… it has always been a ‘YES’, and will forever choose you. I love you, @iamjnapoles.”

KIMPAU MOVIE IKINASA

No. 1 trending sa X kahapon ang “KIMPAU MovieAnncmnt OnSHOWTIME” kung saan ay inanunsyo sa “It’s Showtime” ang unang pelikulang pagtatambalan nina Kim Chiu at Paulo Avelino.

Ito ay ang “My Love Will Make You Disappear” na ididirehe ni Chad Vidanes.

“Siyempre, na-miss natin ‘yung pelikulang rom-com, siyempre mula sa Star Cinema. Pre-pandemic pa ‘ata nu’ng nagkaroon tayo ng true blue rom-com from Star Cinema. Kaya ngayong taon, magiging part tayo (nito) na nakaka-excite dahil sa inyo,” sabi ni Direk Chad.

“Itong concept na ito is a concept by Prime Cruz and to be written by Patrick Valencia, Isabella Policarpio. Very interesting siya sa akin, classic siya, classic rom-com, very bago,” aniya pa.

“Dahil nasa new era na ang Star Cinema sa paggawa ng pelikula, asahan niyo na marami kaming sorpresa sa project na ‘to.”

Bukod dito ay pinakilig din ng KimPau ang fans sa kanilang duet at sweet moments sa stage.

AUTHOR PROFILE