Kimje

Kim at Jerald, ‘di takot sa overexposure

July 17, 2021 Ian F. Fariñas 152 views

SINASABING taon ng reel at real-life couple na sina Kim Molina at Jerald Napoles ang 2021 dahil sa pagkakasunud-sunod ng kanilang mga proyekto sa Viva Films.

Pagkatapos ng matagumpay na online streaming sa Vivamax ng Ang Babaeng Walang Pakiramdam, bida muli ang tandem ng KimJe sa isa pang Vivamax original movie, ang Ikaw at Ako at ang Ending, na dinirek naman ng romantic hit maker na si Direk Irene Villamor (Camp Sawi, Meet Me in St. Gallen, Sid & Aya: Not a Love Story, Ulan at On Vodka, Beers, and Regrets).

Sa virtual mediacon tuloy ng pelikula, natanong ang magdyowa kung hindi ba sila natatakot sa tinatawag na “overexposure.”

Mabilis na sinagot ni Jerald ang tanong at isang matigas na “hindi” ang pinakawalan ng dating theater actor.

Aniya, wala sa kanila ni Kim ang takot na ma-overexpose sa dalas nilang mapanood ngayon. Katwiran niya, iyon nga mismo ang kailangan ng mga artista tulad nila, ang “overexposure.”

Paliwanag ni Jerald, masyadong mabilis ang transition ng content online ngayong panahon ng pandemya kaya mas maiging sumasabay sila sa pagbabagong ito.

“It’s necessary to be exposed all the time,” patuloy pa niya.

Sa Ikaw at Ako at ang Ending, ginagampanan nina Kim at Jerald ang karakter ng dalawang hopeless strangers na magkakakilala sa panahong pareho silang tumatakas sa kanilang miserable realities.

Kakaibang Kim at Jerald nga raw ang mapapanood sa Ikaw at Ako at ang Ending dahil hindi lang sila magpapatawa rito kundi sasabak din sa ilang eksena na maaksyon.

Sobrang nag-enjoy nga raw ang dalawa habang ginagawa ang pelikula’t mala-outing lang ang peg ng shooting.

Anyway, ang Ikaw at Ako at ang Ending ay magsisimulang mapanood globally via streaming sa August 13 sa ktx.ph, iWant TFC, TFC IPTV at Vivamax.

AUTHOR PROFILE