Kilos, kilos mga opisyal!

August 15, 2021 Joey C. Papa 267 views

JoeyMASS resignation!

Ito ang banta ngayon ng mga health workers. Mapanganib ito.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang pumutok sa mga balita mula sa mga pahayagan, telebisyon at radyo ang pagsusuring ginawa ng Commission on Audit (COA) sa Department of Health o DOH hinggil sa paggastang ginawa ng departamento. Hinggil ito ‘umano sa dokumentasyon ng mga gastusin ng naturang Kagawaran.

Lumipas lamang ang halos dalawang araw ay ang paggastos naman ng Department of Social Work and Development o DSWD ang sumalang sa mapanuring pagsisiyasat ng COA.

Sumagot ang mga pinumo ng dalawang departamento at inaayos ‘umano nila ang mga report sa mga tanong ng COA.

Sa mga nakaraang panahon ay marami nang paghahantad ang ginawa ng COA ngunit wala akong matandaang naganap na pagwawasto sa mga siniyasat nilang gastusin ng mga ahensya ng gobyerno, o kaya’y may nanagot?

Isa sa nakatutureteng nalantad sa publiko ay ang anomalya sa Philhealth. Hanggang ngayon, ang bilyong piso para sana sa mga Pilipinong nagbibigay ng kanilang kontribusyon sa tanggapang ito ay naghihintay pa ng resulta.

Sinuri rin ng mga mambabatas ang mga nahahantad na mga anomalyang ito ngunit wala pa ring nangyayari.

Marami ‘umanong ospital ang hindi pa nababayaran ng Philhealth hanggang ngayon. Kailangan ng mga ospital ang salapi upang magamit ng mga ito muli sa kanilang paglilingkod sa mga pasyente.

Simula pa lamang ng pandemic 2020 ay dumdaing na ang mga pribadong ospital sa hindi pagbabayad sa kanila ng Philhealth. Ngunit tila pumasok sa kaliwang tainga at lumabas lamang sa kanang tainga ang mga daing ng mga duktor at narses sa mga pribadong ospital.

Ngayong 2021 na mataas na naman ang kaso ng Covid 19 sa bansa at sinasabing pinakamataas na ito simula noong pumasok ang virus sa bansa noong 2020, lalong lumakas ang daing ng mga pribadong ospital ng tulong mula sa pamahalaan lalo na sa Philhealth.

Gayundin ang daing ng mga pampublikong ospital hinggil sa pangangailangan nila ng karagdagang narses at duktor.

Nagprotesta na ang ilang mga narses dahil hindi pa nila ‘umano nakukuha ang kanilang mga hazard pay. Pagod na rin sila.

Kailangang kumilos agad ang pambansang liderato ng Republika ng Pilipinas! Malubha na ang krisis ng bansa sa pagsalunga sa covid 19. Hindi na biro ang pagtaas ng kaso ng mga nagkakasakit sa mula sa virus. Ito’y nagaganap sa buong bansa.

Tila hindi nalulutas ng mga lockdown ang pagtaas ng covid cases. O ito ba talaga ang tamang solsuyon?

Bakuna pa rin ang sinasabing solusyon sa pagtaas ng kaso ng covid.

Ngunit nasaan ang maraming bakuna? “Patak-patak” pa rin ‘ika nga ang dating ng mga donasyong bakuna at ilang mga binili sa ibang bansa.

Kailangang bilisan na rin ng pambansang liderato ng administrasyon ngayon ang pagtugon sa malalang krisis na kinapapalooban ng mga Pilipino.

Hindi matutugunan ng mga pulong, pangungutya, at paninira ang malubhang kalagayan ng Pilipinas ngayon.

Kailangan ang mabilis at mapagpasiyang pagkilos ng mga nasa liderato ng administrasyong ito.

AUTHOR PROFILE

Opinion

SHOW ALL

Calendar