Default Thumbnail

Kilabot at lungkot

October 14, 2022 Joey C. Papa 344 views

JoeyNitong mga nakaraang araw, lungkot at kiloabot ang naganap sa ating bansa.

Una ay ang walang habas na pagpaslang kay Percival Mabasa aka Percy Lapid na isang komentarista sa radyo.

Ang sumunod ay ang panghohostage kay dating senador Leila De Lima at ang tangkang pagpatay sa kanya ng nanghostage sa kanya. Sinabi nito na papatayin na rin lang siya ng mga pulis kaya isasama na niya ang dating senador asa kamatayan.

Itinutok ng detenidong kasapi ng Abu Sayaff ang kuttsilyo at idiniin ito sa didbib ni De Lima habang may piring umano sa mata ang dating senadora.

Ayon sa mga pulis, napatay nila ang kasapi umano ng ASG nang humingi ito ng tubig inumin. Nakita itong pagkakataon ng nakikipag-usap na opisyal ng pulis upang siya’y i-neutralize o barilin.

Napatay ang nang-hostage kay De Lima.

Naganap ang hostage taking nitong nakaraang araw ng Linggo lamang na kung saan ay inihahatid naman sa huling hantungan si Percy Lapid ng kanyang pamilya at mga tagasuporta niya.

Si Percy ay pinaslang ng dalawang tao malapit sa kanilang tahanan. Riding-in-tandem ang nakita sa mga CCTV footage. Naganap ang pagpasalang sa pamamagitan lamang ng dalawang bala ipinutok sa ulo ni Percy.

Dalawang nakakakilabot at nakalulungkot ang mga pangyayaring ito na halos anim araw lamang ang pagitan sa pagpaslang at panghohostage.

Wala pang malinaw at kongkretong lead ang pulisya sa mga pumaslang kay Percy Lapid. Sabi ng kanyang kapatid na isang ring journalist na sana’y hindi mapabilang si Percy sa statistics ng mga pinatay na mga mamamahayag dahil sa dami umano ng mga pinaslang na journalists ay wala pang nadarakip, nakukulong at napaparusahan sa abot ng kanyang pagkakaalam.

Sa panig ng PNP, tinanggal na ang isang opisyal ng Custodial Center sa Camp Crame at patuloy pa ring nag-iimbestiga ang mga pulis hinggil sa nangyaring paghohostage.

Kailangan talagang umaksyon ang pamahalaan sa dalawang pangyayaring ito na nagdulot ng takot at lungkot sa maramingPilipino.

Dalawang oposiyonista ng Pilipinas, ang isa ay pinaslang at ang isa ay napasok sa kanyang detention room at ginawang hostage ng mga kapwa detenido.

Maraming maiiwang tanong sa mga isip ng mga Pilipino hinggil sa pangyayaring ito.

Magkakaroon ng pagbibintang at kontra pagbibintang hanggang sa hindi nahuhuli ang tunay na pumaslang kay Percy Lapid.

Si Percy at De Lima ay kapwa naging masugid na kritiko ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Isang dating senadora ang hinostage at tinangkang patayin. Isang mamamahayag na kritiko ng nakaraang adminstrasyon ang pinaslang. Kailangang magkaroon agad ng malinaw na pagpapaliwanag ang mga pangyayaring ito na naganap sa loob lamang ng isang linggo..

Parami nang parami ang hinala, hinuha, sapantaha hanggang walang matutukoy na mga taong nasa likod ng mga pangyayari.

Nakataya ang pangalan ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr sa maaagap at agarang paghahanap ng kalutasan sa mga pangyayaring ito lalo na ang karumal-dumal na pagpaslang kay Percy Lapid.

AUTHOR PROFILE