Default Thumbnail

‘Kidnapper’ kinuyog ng kanyang biktima, madla sa QC

November 29, 2022 Melnie Ragasa-limena 279 views

BUGBOG sarado ang isa umanong kidnapper matapos na manlaban ang apat na dinukot na biktima at kuyugin ng taumbayan matapos maipit sa daloy ng trapiko sa Quezon City, Lunes ng hapon.

Ang naarestong suspek ay residente ng Upper Bicutan, Taguig City.

Patuloy namang tinutugis ang lima pa niyang kasabwat.

Sa report ng Talipapa Police Station (PS 3) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 12: 05 ng tanghali (Nobyembre 28) nang maganap ang insidente sa Juliana Market LRT Balintawak Station na matatagpuan sa EDSA Balintawak, North Bound, Barangay Unang Sigaw, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Noel Noa D Pitarde, sinamantala ng apat na biktima habang nakahinto ang sinasakyang Montero Sport ng dahil sa masikip na daloy ng trapiko sa northbound lane ng EDSA.

Sinamantala nila ang pagkakataon at lakas loob na nakipambuno sa hawak na baril ng suspek na kasama nila sa loob ng sasakyan.

Agad namang nabuksan ng isa sa mga biktima ang pinto ng sasakyan habang nakikipagbuno ang isa pang biktima sa suspek hanggang bumagsak sila sa kalsada na hawak pa rin ang pinag-aagawang baril.

Agad namang namataan ng mga tanod ng Barangay Unang Sigaw at ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) personnel na agad na inireport ang insidente sa mga pulis, pero mabilis na nakatakas ang driver ng Montero.

Lumilitaw na bago ang insidente, bandang 3:30 ng madaling araw ng Nob. 28, nagtungo ang mga biktima sa Zone 7, Bgy. Lit-Lit, Silang sa Cavite, sakay ng Mitsubishi Montero Sport na pag-aari ng isa sa mga biktima upang i-check ang lupa na isinasanla umano ng isa sa mga suspek.

Pagdating umano ng mga biktima sa lugar ay sinalubong sila ng mga suspek na naghihintay sa kanilang pagdating at saka pinapasok sa compound, bigla silang tinutukan ng baril at nilimas ang kanilang dalang mga pera at kagamitan, piniringan at muling isinakay sa dala nilang Montero Sport at umalis sa Silang, Cavite.

Naririnig umano ng mga biktima sa pamamagitan ng Waze na inikot sila ng mga suspek sa Batangas, Laguna, Antipolo, Taytay Rizal, at habang nasa sasakyan, sinabi umano ng isang suspek na para makalaya sila ay magbigay ito ng P2 milyon kada ulo nila.

Nalaman nila na tatlo sa mga suspek ang bumaba sa iba’t-ibang lugar, at naiwang kasama nila ang nahuling suspek, at ang ‘di pa nakilalang driver nito hanggang sa makarating sa QC.

Natangay sa mga biktima ang dala nilang cash at mamamahaling mga kagamitan na aabot sa milyong halaga.

Inihahanda na ang kasong kidnapping at illegal detention, grave coercion, robbery, carnapping, at paglabag sa RA (Republic Act) 10591 laban sa binugbog na suspek habang patuloy pang tinutugis ang mga nasabing kasabwat niya.