Kenchan

Ken sinagot ang pandidikdik sa kanya: Hindi ako nanloko ng tao

November 15, 2024 Vinia Vivar 89 views

Binasag na ni Ken Chan ang kanyang katahimikan at sinagot na ang mga isyung kinasasangkutan, partikular na ang kasong syndicated estafa na isinampa laban sa kanya ng isang diumano’y nag-invest sa kanyang restaurant.

Sa Instagram, inamin ng Kapuso actor na nalugi ang tatlong branches ng Café Claus na itinayo niya.

“Isang mapagpalang araw po sa inyong lahat. Personal kong babasagin ang aking katahimikan sa kumakalat na version ng kaso na isinampa laban sa akin dahil sa pagkalugi ng itinayo naming negosyo na Café Claus na nagkaroon ng tatlong branches at nagsara,” simula ni Ken.

Kasunod nito ay nilinaw ng aktor na hindi siya nanloko ng tao.

“Hindi po ako nanloko ng tao, naitayo po ang negosyo ngunit hindi ito nagtagumpay. Hindi po dahil ito ang amount na isinampa laban sa akin ay ito na ang buong katotohanan.

“Sasabihin ko po nang buong-buo ang actual na numero at detalye na masyado nang naging exaggerated dahil sariling panig pa lamang ng complainant ang inilabas nila,” pahayag ni Ken.

Sinabi rin ng aktor na maglalabas din siya ng kanyang sariling detalye tungkol sa nangyari.

“May mga bagay kami na kailangang ipaglaban lalo na kung bakit naisampa ito bilang syndicated estafa, na kung tutuusin ay dapat umiikot lamang sa pagkalugi ng negosyo.

“Ako naman po ang maglalabas ng mga detalye sa mga darating na pagkakataon dahil patuloy po ang pagdikdik sa akin ng mga taong gustong sirain ang pagkatao ko.

“Sa mga hakbang na ginawa nila mula pa noong nakaraang taon hanggang ngayon, makikita ninyo ang intensyon ng mga taong gusto akong pabagsakin,” saad ni Ken.

“Kaunting panahon po at ilalabas ko lahat ang katotohanan kung bakit nangyari ito sa kumpanya. Hindi po ako nanghing lang ng pera at nanloko tulad ng akusasyon sa akin,” paliwanag pa ng aktor.

He also revealed kung bakit nalugi ang kanyang itinayong restaurant.

“Nalugi po ang Café Claus at isa sa malaking dahilan na rin ay dahil sa ilang business partners namin na nagplano para pabagsakin ang kumpanya at patuloy na sirain ang aking pangalan,” aniya.

Nilinaw din ni Ken na hindi niya tinatakasan ang kasong isinampa sa kanya at lumalaban daw siya legally noon pa man.

“Pinili ko pong manahimik pansamantala dahil sa una pa lamang po ay inilalaban ko na ito legally, kasama ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa akin sa sitwasyon kong ito.

“Naniniwala ako na sa awa ng Panginoon ay mairaraos ko po ito. Lumalaban po ako at hindi tumatakbo palayo sa isinampang kaso sa akin.

“Mahigit isang dekada kong pinaghirapan ang aking career at hindi dahil sa akusasyon ng iilan ang magtatapos ng napakagandang future na inilaan para sa akin ng Panginoon,” aniya.

Sa huli ay humingi ng paumanhin si Ken sa mga kumpanya at produkto na associated sa kanya na naapektuhan dahil sa isyung ito. Kasabay nito ay nagpasalamat siya sa mga taong naniniwala at nagmamahal pa rin sa kanya.

“Sa mga Companies at Brands na associated sa akin na napektuhan sa sitasyon na ito, paumanhin po sa inyong lahat. Babawi po ako sa inyo. Sa kabila ng lahat gusto kong magpasalamat sa pagsuporta at pag-unawa ninyo sa akin. Ramdam ko po ang pagmamahal ninyo.

“At sa mga taong patuloy na nagmamahal at naniniwala sa akin, lalaban po ako. Patuloy po ninyo akong isama sa mga panalangin ninyo,” pagtatapos ni Ken.

Matatandaang last Friday (Nov. 8) ay nag-issue ng warrant of arrest ang awtoridad kay Ken kaugnay ng syndicated estafa na isinampa sa kanya.

Hindi nai-serve ang warrant of arrest sa aktor dahil hindi ito natagpuan sa kanyang bahay sa Quezon City.

Sa panayam sa abogado ng complainant ay sinabi nitong P14 million ang hinahabol na pera ng kanyang kliyente kay Ken.

AUTHOR PROFILE