Ken hindi na bago sa mahirap na role

June 16, 2021 Eugene E. Asis 215 views

HINDI na bago para sa Kapuso actor na si Ken Chan ang gumanap sa ‘di pangkaraniwang karakter sa mga teleserye.

Taong 2015 nang unang mabigyan ng titular role ang aktor sa ‘Destiny Rose’ kung saan gumanap siya bilang transgender woman. Umingay pa ang kanyang husay nang bigyang-buhay niya ang karakter ni Boyet na may mild intellectual disability sa ‘My Special Tatay.’

Sa Afternoon Prime series na ‘Ang Dalawang Ikaw’ na magsisimula na sa June 21, mapapanood naman si Ken bilang ang butihing asawa ni Mia (Rita Daniela) na si Nelson na may Dissociative Identity Disorder na magiging dahilan kung bakit mabubuhay ang karakter ni Tyler, ang gun dealer at fiancé ni Beatrice (Anna Vicente).

“Lagi kong sinasabi that I am very blessed and thankful to GMA-7 dahil nabibigyan nila ako ng mga serye na may ipinaglalaban o may advocacy, tinatawag nga natin itong advocaserye,” sabi ni Ken.

Dagdag pa ng aktor, “Ito yung roles na pinapangarap kong gawin at nabigyang katuparan ito ng GMA-7. Kaya sobra ang pasasalamat ko sa kanila dahil bukod sa nagagawa ko ang passion ko sa pag-arte ay nakakatulong din ako sa viewers na ipakita sa kanila ang iba’t ibang mukha ng mga tao sa pamamagitan ng roles na ginagawa ko.”

Hindi rin naman siguro siya pagtitiwalaan ng GMA kung alam nilang hindi niya ito kayang gawin. Break a leg.

Alden at Jasmine may chemistry, in fairness

DAHIL sa magandang trailer nito, inaabangan na ng marami ang nalalapit na pagbabalik-tambalan nina Asia’s Multimedia Star Alden Richards at Kapuso actress Jasmine Curtis-Smith sa upcoming GMA primetime series na ‘The World Between Us.”

Matapos ang team up nila sa ‘I Can See You: Love On The Balcony,” tila marami ang kinikilig sa malakas na on-screen chemistry nina Alden at Jasmine.

Samantala, mula sa ipinasilip na bagong teaser ng series ay mapapansing may kinalaman sa ‘chain reaction machine’ ang kuwento nito.

Sa ulat ng 24 Oras ay ikinuwento ni Alden ang papel nito sa kanilang serye, “Sa buhay ng tao, everything is a series of chain reactions… Ipapakita nu’n kung paano ‘yung mga nangyayari sa buhay ng mga bida sa istorya ay maapektuhan ng action ng isa pang karakter and so on.”

Bukod kina Alden at Jasmine, kasama rin sa serye sina Tom Rodriguez, Dina Bonnevie, Jaclyn Jose, Sid Lucero, at Kelley Day. Malapit nang mapanood ang The World Between Us sa GMA Telebabad.

John Lloyd nakipag-meeting na sa GMA exec

NA-CURIOUS ang marami sa kung ano kaya ang pinag-usapan ng nagbabalik na aktor na si John Lloyd Cruz at GMA Films president and programming consultant to the Chairman and CEO Annette Gozon-Valdes matapos kumalat online ang kanilang larawan na magkasama.

Mahigit isang linggo matapos ang TV comeback ni John Lloyd sa GMA, nakipag-meeting naman ito kasama ang GMA executive at si Direk Bobot Mortiz noong isang gabi.

Excited na ngayon ang netizens na malaman ang iba pang detalye ng upcoming project ni Lloydie sa Kapuso Network. Kung ano man ito, tiyak na kaabang-abang para sa lahat. Manatiling nakatutok sa www.GMAnetwork.com para sa updates.

AUTHOR PROFILE