Ritken

Ken, bet mapangasawa si Rita

July 14, 2021 Vinia Vivar 415 views

“Pakakasalan” ang sagot ni Ken Chan sa tanong kung jojowain o totropahin ang ka-loveteam at leading lady sa Ang Dalawang Ikaw na si Rita Daniela.

Sinabi ito ng Kapuso actor sa recent episode ng Sarap, ’Di Ba? Bahay Edition na sobrang ikinakilig ng mga host na sina Cassy at Mavy Legaspi.

Paliwanag ni Ken, halos lahat kasi ng qualities na gusto niya sa isang babae ay nakita niya kay Rita.

“Yes, pakakasalan. Nakita ko kay Rita ‘yung standard ko sa isang babae. ‘Yung isang babae na alam mong puwedeng gawing asawa.

“Kahit sinong lalaki na in the future kasi kung ano man, hindi natin alam. Suwerte kung sino man ang mapapakasalan ni Rita Daniela, at sinabi ko ‘yun sa kanya. Lagi ko ’yung sinasabi sa kanya,” sey ni Ken.

Siyempre, hindi rin nakaligtas si Rita sa tanong kung jojowain o totropahin ba niya si Ken.

“Jojowain, siyempre,” mabilis niyang sagot. “Gusto ko, jowa muna bago kasal, siyempre.”

Tinanong ni Ken si Rita kung bakit at sagot naman ng aktres, “Because you’re you. Walang ibang tao na katulad mo. You’re masipag sa work, super mabait sa tao, tapos love na love niya ’yung family niya, lagi niyang inuuna ang ibang tao bago ’yung sarili niya.”

Singit ni Ken, “At magaling magmasahe” na ikina-react nina Cassy at Mavy.

Paglilinaw agad ni Rita, “Magmasahe ng paa!” and added, “Saka magaling siyang magluto.”

For sure ay kinilig na naman ang RitKen sa mga sinabing ito ng kanilang mga idolo.

NAG-TAPING SA GUBAT

“Entertaining” ang sagot nina Jennylyn Mercado at Paolo Contis nang kumustahin ang naging taping nila ng Daig Kayo ng Lola Ko.

Bibida sina Paolo at Jen sa all-new episode ng multi-awarded children’s fantasy series on TV, kung saan gaganap sila bilang Angel at Migs sa kuwento na Last People on Earth.

Sa pahayag na ipinadala nila sa GMA, parehong sinabi nina Jen and Pao na very happy sila na ibinigay sa kanila ang proyektong ito.

“Nakakatuwa na finally may new content na maipapalabas ang show and it’s such an honor to start that out.

“Basta expect nila na mapapangiti sila while watching. Sa hirap ng buhay ngayon, minsan kailangan mo talagang malibang sa mga pinapanood mo, at isang halimbawa ng episode naming ito,” sabi ni Jen.

Sinegundahan naman ito ni Paolo. Sey niya, “Masaya and honored ako na kami ‘yung na-cast sa pagbabalik ng fresh episodes ng Daig. Napakasaya nu’ng episode. We made sure of that.”

Kahit na nga ba sa gubat kinunan ang karamihan sa kanilang mga eksena, ayon sa dalawa ay naging napakagaan ng kanilang pagtatrabaho.

“Masaya. Basta magaan kasama ang mga katrabaho mo kahit saan pa kayo mag-taping, siguradong masaya siya,” sabi ni Jen.

Para naman kay Paolo, hindi ganu’n kalaki ang adjustment, kahit outdoor ang location nila since tuluy-tuloy ang naging trabaho niya kahit may pandemya.

“Hindi naman ako nahirapan to adjust kasi I never stopped working. Nag-shoot ako ng movie and regular akong nag-AOS and Bubble Gang,” ani Paolo.

Magsisimula na ang Last People on Earth sa July 18 at isang buwan itong mapapanood sa Sunday Grande, 7 p.m.

AUTHOR PROFILE