
Kelot titimbugin sa pangnenenok kumasa tepok
DEAD-on-the spot ang 24-anyos na binata sa pakikipagbarilan sa aarestong mga pulis dahil sa pagnanakaw ng mountain bike sa Quezon City noong Huwebes.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU-QCPD), bandang alas-11:40 ng gabi nang maganap ang barilan sa Agham St., Covenant Village, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Kinilala ang napatay na si Jerome Tangalan Vela.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Jordan Barbado, bago ang insidente, inireport ng biktimang si Annale Raijab na ninakaw ng suspek ang kaniyang mountain bike habang nakaparada sa harapan ng kanyang bahay.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng QCPD Payatas Bagong Silangan Police Station 13 at nakita ang suspek.
Nang aarestuhin na, naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga umaarestong awtoridad.
Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek sa ulo at katawan na dahilan ng pagkamatay niya.
Nasamsam sa crime scene ang isang Armscor caliber .38 revolver na apat na bala at apat na basyo ng 9mm na baril.