Kelot tinodas ka-live in ng dating dyowa
MATINDING selos ang nagtulak sa isang lalaki para patayin ang ka-lugar na umagaw ng atensiyon sa dati niyang kasintahan Martes ng hapon sa Pasay City.
Pa-traidor na pinagsasaksak ng suspek na si alyas “Saidili”, residente ng Quiapo sa Maynila, ang ka-lugar na si alyas “Mohamad” habang katabing natutulog ang 17-anyos na live-in partner na si alyas “Vilma” na dating kasintahan ng salarin.
Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita na dakong alas-4 ng hapon, habang magkatabing natutulog sa nakaparadang tricycle sa New Road, Macapagal Blvd. Brgy. 76 na nasa likod lamang ng Dampa Paliuto, ang biktima at menor-de-edad na live-in partner, dumating ang suspek at pinagsasaksak ang naging karibal sa pag-ibig sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng agarang kamatayan.
Tumakas ang suspek makaraan ang pamamaslang sakay ng isang motorsiklo patungo sa lugar ng Maynila.
Ayon sa pulisya, positibong kinilala ng live-in partner ng biktima ang suspek na posibleng matindi pa rin ang iniuukol na pagmamahal sa menor-de-edad na dating kasintahan kaya’t nagawa ang krimen.
Naglunsad na ng malawakang pagtugis ang mga tauhan ni Col. Pabonita laban sa suspek na posibleng maharap sa kasong murder.